Beginning
Ang Dalawang Halimaw
13 At (A) nakita ko ang isang halimaw na umaahon mula sa dagat. Mayroon itong sampung sungay at pitong ulo; at sa mga sungay nito ay may sampung korona, at sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapaglapastangan. 2 Tulad (B) ng isang leopardo ang halimaw na nakita ko, ang mga paa nito ay tulad ng sa oso, at ang bibig ay parang sa leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan, ang trono, at ang kanyang malawak na pamamahala. 3 Ang isa sa mga ulo nito ay may malubhang sugat na maaari nitong ikamatay, subalit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig at sumunod sa halimaw. 4 Sinamba nila ang dragon dahil ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw, at sino ang may kakayahang lumaban sa kanya?”
5 Binigyan (C) ng halimaw ang isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan at mga kalapastanganan, at pinahintulutan nitong mamahala sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Sinimulan niyang lapastanganin ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, at ang tahanan ng Diyos, at ang mga naninirahan doon. 7 Pinahintulutan (D) din itong makipaglaban sa mga banal at daigin sila. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat lipi, bayan, wika, at bansa. 8 Lahat (E) ng naninirahan sa ibabaw ng lupa ay sasamba sa kanya, bawat isang ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay mula pa nang likhain ang sanlibutan.[a]
9 Makinig ang may pandinig:
10 (F) Sinumang matakdang mabihag,
sadyang mabibihag;
sinumang matakdang mamatay sa tabak,
sadyang mamamatay sa tabak.
Ito ay panawagan para sa pagtitiis at katapatan ng mga banal.
11 At pagkatapos isa pang halimaw ang nakita kong umaahon mula sa lupa. Mayroon itong dalawang sungay tulad ng sa kordero ngunit nagsasalita itong parang dragon. 12 Ginagamit nito ang lahat ng kapangyarihan ng halimaw na nauna sa kanya, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga nakatira dito sa unang halimaw, siya na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumagawa ito ng mga kamangha-manghang tanda, ginagawa nitong magpababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao. 14 Sa pamamagitan ng mga tandang pinahintulot na gawin niya sa harapan ng unang halimaw, nililinlang niya ang mga nakatira sa lupa, sinasabihan silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na nasugatan ng tabak subalit nabuhay. 15 Pinayagan itong magbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ay makapagsalita at maipapatay ang mga ayaw sumamba sa larawan nito. 16 Pinatatakan nito ang kanang kamay o noo ng lahat—ang mga hamak at ang mga dakila, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at mga alipin, 17 upang walang sinuman ang makabili o makapagtinda kung walang tatak ng pangalan ng halimaw o bilang ng pangalan nito. 18 Nangangailangan ito ng karunungan: sinumang may pang-unawa ay unawain ang bilang ng halimaw, sapagkat ito ay bilang ng isang tao. Ang bilang niya ay 666.
Ang Awit ng 144,000
14 Pagkatapos ay tumingin (G) ako, at naroon ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan apatnapu't apat na libo na ang pangalan niya at ng kanyang Ama ay nakasulat sa kanilang mga noo. 2 Isang tinig ang narinig ko mula sa langit na parang ingay ng maraming tubig at parang dagundong ng malakas na kulog. Ang tinig na narinig ko ay parang tugtugan ng mga manunugtog ng mga alpa. 3 Umaawit sila ng isang bagong awitin sa harapan ng apat na buháy na nilalang at ng mga matatanda. Hindi kayang matutuhan ng sinuman ang awiting iyon maliban sa isandaan at apatnapu't apat na libong tinubos mula sa lupa. 4 Sila ay ang hindi dumungis ng kanilang sarili sa mga babae, sapagkat hindi sila nakipagtalik. Sumusunod sila sa Kordero saan man siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa sangkatauhan bilang mga unang alay sa Diyos at sa Kordero. 5 Walang (H) lumabas na kasinungalingan sa kanilang bibig; walang anumang maipaparatang laban sa kanila.
Ang Mensahe ng Tatlong Anghel
6 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala niya ang walang hanggang ebanghelyo upang ipahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Malakas na sinabi niya, “ Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya, sapagkat ang oras ng kanyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin ninyo siya—siyang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”
8 At (I) ang pangalawang anghel ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang imoralidad.”
9 At pagkatapos, sumunod sa kanila ang ikatlong anghel na nagsasabi nang malakas, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at tumatanggap ng tanda sa kanyang mga noo at sa kanyang mga kamay, 10 ay (J) iinom din sa alak ng poot ng Diyos, na ibubuhos na walang halo sa kopa ng kanyang galit. Ang taong iyon ay pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. 11 Ang (K) usok ng kanilang paghihirap ay pumapailanlang magpakailanpaman. Wala silang kapahingahan araw at gabi, silang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at sinumang tumatanggap ng tanda ng pangalan nito.”
12 Ito ay panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sila na tumutupad sa mga utos ng Diyos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus.
13 At pagkatapos isang tinig ang narinig ko mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, pinagpala ang mga namatay dahil sa Panginoon.” “Totoo,” sabi ng Espiritu, “magpapahinga sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Ang Pag-aani sa Lupa
14 Pagkatapos, (L) tumingin ako, naroon ang isang puting ulap, nakaupo sa ibabaw nito ang isang tulad ng anak ng tao na may koronang ginto sa kanyang ulo, at may hawak na isang matalas na karit! 15 Isa (M) pang anghel ang lumabas mula sa templo, sumisigaw nang malakas sa kanyang nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang oras ng paggapas ay dumating na at ang aanihin sa lupa ay handa nang anihin.” 16 Kaya iwinasiwas sa lupa ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapasan ang lupa.
17 Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo sa langit, may dala ring matalas na karit. 18 Pagkatapos ay isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana, ang anghel na may kapangyarihan sa apoy. Nagsalita siya nang malakas sa anghel na may matalas na karit, “Gamitin mo ang iyong karit at anihin ang mga kumpol ng ubas sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito.” 19 Kaya iwinasiwas ng anghel ang kanyang karit sa lupa, tinipon ang mga aning ubas at inihagis ang mga ito sa malaking pisaan ng ubas na siyang poot ng Diyos. 20 At (N) pinisa ang mga ubas sa pisaan na nasa labas ng lungsod, at mula sa pisaan ay bumaha ang dugong umabot ang taas hanggang sa renda ng mga kabayo, at ang lawak ay halos tatlong daang kilometro.[b]
Ang mga Anghel na may Huling Salot
15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. 2 At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. 3 Umaawit (O) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:
“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
4 (P) Panginoon, sinong hindi matatakot
at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”
5 Pagkatapos (Q) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. 6 At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. 7 Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. 8 Ang (R) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 At narinig ko mula sa templo ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.” 2 Kaya (S) umalis ang unang anghel at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa, at nagkaroon ng nakapandidiri at napakasakit na sugat ang mga may tatak ng halimaw at mga sumasamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang kanyang mangkok sa dagat, at ito'y naging tulad ng dugo ng isang bangkay, at ang bawat nilalang na may buhay sa dagat ay namatay. 4 Ibinuhos (T) ng ikatlong anghel ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig, at naging dugo ang mga ito. 5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,
“O Banal, ikaw na siyang ngayon at noon,
ikaw ay Makatarungan sa iyong ginawang paghatol;
6 Sapagkat sila ang nagpadanak ng dugo ng mga banal at ng mga propeta,
binigyan mo sila ng dugo para inumin.
Dapat lang iyan sa kanila!”
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi,
“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang mga hatol mo ay totoo at makatarungan!”
8 At ibinuhos ng ikaapat na anghel ang kanyang mangkok sa araw, at pinayagan itong pasuin ang mga tao, 9 at sila ay napaso sa matinding init. Ngunit nilait nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi ni lumuwalhati sa kanya.
10 Ibinuhos (U) ng ikalimang anghel ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at ang kanyang kaharian ay nagdilim. Dahil sa kirot, kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila. 11 Nilait nila ang Diyos na nasa langit dahil sa kanilang mga hirap at mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.
12 (V) Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang kanyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates, at natuyo ang tubig nito upang ihanda ang daan para sa mga hari mula sa silangan. 13 Pagkatapos, nakita kong lumalabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng huwad na propeta ang tatlong maruruming espiritu na parang mga palaka. 14 Sapagkat ang mga ito'y mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga tanda. Pumupunta sila sa mga hari ng buong sanlibutan upang tipunin sila para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 15 “Tandaan (W) ninyo, dumarating ako na tulad ng isang magnanakaw! Pinagpala ang laging nakahanda at nakadamit, upang hindi siya lumakad nang hubad at mapahiya sa madla.” 16 At (X) tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid, at mula sa templo ay lumabas ang isang malakas na tinig, mula sa trono, na nagsasabi, “Nangyari na!” 18 At (Y) gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, at lumindol ng malakas, na hindi pa nangyayari buhat nang magkatao sa lupa. Napakalakas ng lindol na iyon. 19 Nahati (Z) sa tatlo ang malaking lungsod, at ang mga lungsod ng mga bansa ay nagbagsakan. Ibinaling ng Diyos ang kanyang pansin sa tanyag na Babilonia, at pinasaid niya rito ang kopa ng alak ng kanyang matinding poot. 20 Tumakas (AA) ang bawat pulo at naglaho ang mga bundok na matagpuan. 21 Mula (AB) sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos isandaang libra, at nilait nila ang Diyos dahil doon. Kasindak-sindak ang salot na iyon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.