Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 18-20

Sa Corinto

18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.

Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia

18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.

“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. Sinabi (A) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[a] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na dumaan sa Macedonia at sa Acaia bago pumunta sa Jerusalem. Sabi niya, “Pagkagaling ko roon ay kailangan ko ring pumunta sa Roma.” 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawa sa mga tumutulong sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan tungkol sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak doon na nagngangalang Demetrio ang gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga panday doon. 25 Tinipon ni Demetrio ang kanyang mga manggagawa, kasama ang iba pang may ganoon ding hanapbuhay, at sinabi, “Mga kasama, alam ninyong malaki ang pakinabang natin sa trabahong ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig na laganap na hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asia ang ginagawa nitong si Pablo. Nahikayat niya at nailigaw ang napakaraming tao. Sinasabi niyang hindi mga diyos ang ginawa ng kamay. 27 May panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi mawalan din ng halaga ang templo ng dakilang diyosang si Artemis. Maaari pang matanggalan ng kadakilaan ang diyosa, na sinasamba ng buong Asia at ng daigdig.” 28 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 29 Nagkagulo sa buong lungsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gaio at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablo na humarap sa mga taong-bayan ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. 31 Nagpadala rin ng mensahe sa kanya ang ilan sa mga kaibigan niyang pinuno sa Asia at siya'y pinakiusapang huwag mangahas lumapit sa tanghalan. 32 Samantala, magulung-magulo ang kapulungan, at iba-iba ang isinisigaw ng taong-bayan at karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila naroroon. 33 Itinulak ng mga Judio si Alejandro papuntang unahan, at ang ilan sa mga tao'y may iniuudyok sa kanya. Sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. 34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sabay-sabay nilang isinigaw sa loob ng halos dalawang oras, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino ba sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang lungsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang si Artemis at ng kanyang estatwa na nahulog mula sa langit? 36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. 37 Ang mga taong dinala ninyo rito'y hindi naman magnanakaw sa templo o lumalapastangan sa ating diyosa. 38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong sakdal laban kaninuman, bukas ang mga hukuman at naroon ang mga pinuno. Doon kayo magreklamo. 39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, dapat itong lutasin sa nararapat na kapulungan. 40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangan ng panggugulo sa araw na ito dahil wala naman tayong maibibigay na katwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi niya ng mga ito, pinaalis na niya ang mga tao.

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos ng kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Matapos na palakasin ang kanilang loob, nagpaalam si Pablo sa kanila at nagtungo sa Macedonia. Pinuntahan ni Pablo ang mga lupain doon, at pinalakas ang loob ng mga alagad, at nagtungo siya sa Grecia. Nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalakbay na siya patungong Syria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. Sinamahan siya ni Sopatro na taga-Berea, anak ni Pirro, gayundin ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gaio na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. Nauna sila at naghintay sa amin sa Troas. Naglayag naman kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nagtipon kami upang magpira-piraso ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila hanggang hatinggabi sapagkat aalis siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Eutico. Nakatulog siya nang mahimbing habang patuloy sa pagsasalita si Pablo. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag, kaya't patay na nang damputin. 10 Bumaba si Pablo at siya'y niyakap. “Huwag kayong mabahala,” wika niya. “Buháy siya!” 11 Matapos pumanhik at magpira-piraso ng tinapay, nakipag-usap si Pablo sa kanila hanggang pagsikat ng araw, at siya ay umalis. 12 Iniuwi naman nilang buháy ang bata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Nauna kaming sumakay sa barko at naglayag patungong Asos. Doon kami makikipagkita kay Pablo, sapagkat ipinasya niyang sa lupa maglakbay. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barko, at sama-sama kaming nakarating sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Chios. Tumawid kami nang sumunod na araw patungong Samos, at pagkaraan ng isang araw pa ay nakarating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablo na lampasan ang Efeso upang hindi na siya magtagal sa Asia, sapagkat siya'y nagmamadali. Ibig niyang makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (B) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 25 At ngayo'y nalalaman kong hindi na ninyo ako makikita pang muli, kayong lahat na aking napuntahan at napangaralan tungkol sa paghahari ng Diyos. 26 Kaya nga sa araw na ito'y sinasabi ko sa inyong hindi ko na ságutin pa ang buhay[b] ng sinuman sa inyo. 27 Sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasyahan ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat itinalaga kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[c] na tinubos niya ng kanyang sariling dugo. 29 Alam kong pag-alis ko'y papasok sa gitna ninyo ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na pupuksain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyong mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga kasinungalingan, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. 31 Kaya't mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong may pagluhang nagbigay ako sa inyo ng babala araw at gabi sa loob ng tatlong taon. 32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salitang naghahayag ng kanyang kagandahang-loob, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana kasama ang lahat ng mga hinirang. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ang ginto, o ang damit ninuman. 34 Kayo mismo ang nakaaalam na ginamit ko ang aking mga kamay upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gayundin ng aking mga kasamahan. 35 Ipinakita ko sa lahat ng pagkakataon na sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap ay dapat ninyong tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ ” 36 Pagkatapos niyang magsalita, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Nag-iiyakan silang lahat, niyakap, at hinagkan si Pablo. 38 Ikinalulungkot nila nang higit sa lahat ang kanyang sinabi na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Matapos ito, siya'y inihatid nila sa barko.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.