Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Nehemias 4-6

Mga Masamang Balak Laban kay Nehemias

Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio. Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?”

Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!”

Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain. Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.”

Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.

Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit. Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin. Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi.

10 Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit:

“Nanghihina kami sa bigat ng pasan,
at sobrang dami ng batong nabuwal.
Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.”

11 Akala ng aming mga kaaway ay hindi namin sila makikita at hindi namin alam ang kanilang binabalak na pagsalakay. Iniisip nilang mapupuksa nila kami at mahihinto ang aming gawain. 12 Hindi nila alam na ang mga Judio na nakatirang kasama nila ay laging nagbabalita sa amin ng tungkol sa kanilang masamang balak.

13 Kaya't nagtalaga ako ng mga bantay sa ibaba, sa likod ng pader, at sa mga lugar na hindi pa tapos ang pader. Inilagay ko sila sa gawaing ito ayon sa kani-kanilang angkan. Binigyan ko sila ng iba't ibang sandata gaya ng espada, sibat at pana.

14 Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” 15 Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader.

16 Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong 17 sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. 18 Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. 19 Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, 20 kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.”

21 At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. 22 Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” 23 Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata.

Pang-aapi sa Mahihirap

Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.”

Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. Nagpasya(A) akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?”

Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. 10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. 11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”

12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. 13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”

Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.

Si Nehemias ay Hindi Makasarili

14 Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador. 15 Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos. 16 Ginawa ko ang lahat upang muling maitayo ang pader sa tulong ng aking mga tauhan. Hindi ako naghangad ng anumang ari-arian. 17 Ako'y laging nagpapakain ng 150 panauhing Judio, gayundin ng aming mga pinuno bukod sa mga taong dumarating mula sa mga malalapit na bansa. 18 Araw-araw ay nagpapakatay ako ng isang toro, anim na matatabang tupa, at maraming manok at tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng maraming alak. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin kinuha ang pagkaing nauukol sa gobernador, sapagkat alam kong ang mga tao'y naghihirap. 19 Alalahanin mo ako, O Diyos, sa lahat ng aking ginawa alang-alang sa sambayanang ito.

Masamang Balak kay Nehemias

Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na ganito ang mensahe:

“Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem[a] na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.”

Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.”

10 Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.”

11 Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.”

12 Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. 13 Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan.

14 Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.”

Natapos ang Trabaho

15 Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. 16 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos.

17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. 18 Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. 19 Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.