Beginning
May Sumalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo
4 Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 2 kinausap(A) nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3 Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” 4 Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. 5 May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.
Sinalungat ang Muling Pagtatatag ng Jerusalem
6 Sa(B) simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.
7 Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.
8 Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.[a]
9 “Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; 10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
11 Ito ang nilalaman ng liham:
“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.
12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:
“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.
18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”
23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.
Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo
24 Napahinto(C) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.
5 Nang(D) panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. 2 Nang(E) marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos.
3 Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” 4 Tinanong pa nila,[b] “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” 5 Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. 6 Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:
7 “Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.
8 “Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.
9 “Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. 10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.
11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit(F) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. 13 Ngunit,(G) noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. 14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. 15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. 16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.”
Muling Natagpuan ang Utos ni Haring Ciro
6 Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. 2 At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat:
3 “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. 4 Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. 5 Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.”
Iniutos ni Dario na Ipagpatuloy ang Pagtatrabaho
6 Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito.
“Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates.
“Huwag na kayong makialam diyan. 7 Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. 8 Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. 9 Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. 10 Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. 11 Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. 12 Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.”
Itinalaga ang Templo
13 Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. 14 Patuloy(H) namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. 15 Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. 16 Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos. 17 Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel. 18 Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Ang Paskwa
19 Pagsapit(I) ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 20 Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili. 21 Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria.
Dumating si Ezra sa Jerusalem
7 Makalipas ang ilang panahon, nang si Artaxerxes ang hari ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Ezra. Nagmula siya sa angkan ni Aaron dahil ang kanyang ama na si Seraias ay anak ni Azarias na anak ni Hilkias. Si Hilkias naman ay anak ni Sallum na anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub na anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias naman ay anak ni Meraiot na anak ni Zerahias na anak naman ni Uzi. Si Uzi ang anak ni Buki na anak ni Abisua na anak naman ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar at apo ni Aaron na pinakapunong pari. Si Ezra ay isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Si Ezra ay pinatnubayan ni Yahweh na kanyang Diyos kaya't lahat ng kahilingan niya'y ipinagkaloob sa kanya ng hari. 7 Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo. 8-9 Umalis sila sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan, at sa patnubay ng kanyang Diyos ay dumating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan. 10 Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito.
Ang Dokumentong Ibinigay ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel:
12 “Buhat kay Haring Artaxerxes;[c] para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan,
13 “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan. 14 Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. 15 Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.
17 “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos. 19 Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo. 20 Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo. 22 Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang[d] puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin. 23 Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak. 24 Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos.
25 “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan. 26 Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.”
Pinuri ni Ezra ang Diyos
27 Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem. 28 Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.