Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 23-25

Ang mga Reporma ni Josias(A)

23 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.

Ang(B) lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. 10 Ipinagiba(C) rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. 11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. 12 Ang(D) mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. 13 Ipinagiba(E) rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. 14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.

15 Ipinagiba(F) rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. 16 Nang(G) makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. 17 Nang(H) makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”

“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. 20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa(I)

21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” 22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. 23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.

Iba Pang mga Repormang Ginawa ni Josias

24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. 25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.

26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. 27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”

Ang Pagwawakas ng Paghahari ni Josias(J)

28 Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 29 Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido. 30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(K)

31 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno. 33 Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. 34 Inilagay(L) ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(M)

35 Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco.

36 Si(N) Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. 37 Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

24 Sa(O) panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh.

Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda(P)

Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. 12 At(Q) sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. 13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.

15 Tinangay(R) nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. 16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. 17 Si(S) Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.

Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(T)

18 Si(U) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

20 Umabot(V) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(W)

25 Si(X) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon(Y) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. (Z)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.

Ang Pagwasak sa Templo(AA)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(AB) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(AC) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(AD) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(AE)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

Si Gedalias na Gobernador ng Juda(AF)

22 Si(AG) Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. 23 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. 24 Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” 25 Ngunit(AH) nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos,(AI) silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.

Pinalaya si Jehoiakin sa Pagkabilanggo(AJ)

27 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. 28 Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. 29 Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. 30 Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.