Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 15-17

Ang Paghahari ni Azarias sa Juda(A)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.

Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang(B) mamatay si Azarias,[a] inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel

Nang ikatatlumpu't walong taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naging hari ng Israel. Naghari siya sa Samaria nang anim na buwan. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh tulad ng kanyang mga ninuno. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 10 Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibleam[b] at siya ang pumalit bilang hari ng Israel.

11 Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 12 Natupad(C) ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya, “Ang mga anak mo hanggang sa ikaapat na salinlahi ang maghahari sa Israel.”

Ang Paghahari ni Sallum sa Israel

13 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Sallum naman na anak ni Jabes ay naging hari ng Israel. Siya ay naghari sa Samaria nang isang buwan lamang. 14 Mula sa Tirza, dumating si Menahem na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari. 15 Ang iba pang ginawa ni Sallum pati ang pakikipagsabwatan niya laban kay Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Mula sa Tirza patungong Samaria, winasak ni Menahem ang Tapua sapagkat ayaw nilang sumuko sa kanya. Wala siyang pinatawad at ipinabiyak niya pati ang tiyan ng mga buntis.

Ang Paghahari ni Menahem sa Israel

17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Menahem na anak ni Gadi. Siya'y naghari sa Samaria nang sampung taon. 18 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

19 Sa panahon ni Menahem, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria.[c] Nagbigay sa kanya si Menahem ng 35,000 kilong pilak upang makuha ang suporta nito sa pagpapalakas ng kanyang paghahari sa Israel. 20 Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng mayayaman sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel.

21 Ang iba pang ginawa ni Menahem ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 22 Namatay siya at inilibing at ang anak niyang si Pekahias ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Pekahias sa Israel

23 Nang ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Pekahias na anak ni Menahem. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawang taon. 24 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 25 Si Peka na anak ni Remalias, isa sa mga opisyal sa hukbo ni Pekahias, ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Gilead laban kay Pekahias. Pinatay nila si Pekahias sa loob ng nasasakupan ng palasyo sa Samaria, at si Peka ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. 26 Ang iba pang ginawa ni Pekahias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Peka sa Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. 28 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala.

29 Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon.

30 Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. 31 Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda

32 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. 33 Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 34 Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. 35 Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh.

36 Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 37 Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. 38 Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(D)

16 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, sa(E) halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.

Ang(F) Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom;[d] naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.

10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. 11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. 12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang 13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. 14 At(G) ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. 15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” 16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.

17 Sinira(H) ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. 18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.

19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Namatay(I) siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Oseas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo.

Ang Pagbagsak ng Samaria

Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes.

Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(J) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(K) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(L) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.

19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.

21 Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. 22 Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago 23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon.

Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria

24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.

29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.

34 Simula(M) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(N) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(O) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.

41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.