Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Pahayag 20-22

20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.

At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,

At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.

At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.

Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan,

At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.

10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.

11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.

12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.

13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.

14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.

15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.

21 At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.

At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.

At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:

At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.

At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay.

At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.

Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko.

Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.

At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero.

10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,

11 Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin:

12 Na may isang malaki at mataas na kuta; na may labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak ng Israel:

13 Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.

14 At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero.

15 At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito.

16 At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat.

17 At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan at apat na pu't apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga'y ng isang anghel.

18 At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog.

19 Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda;

20 Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista.

21 At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.

22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon.

23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero.

24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon.

25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi):

26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa:

27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.

22 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,

Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa.

At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;

At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.

At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.

At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.

At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.

10 At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon.

11 Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.

12 Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa.

13 Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.

14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.

17 At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.

18 Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:

19 At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.

20 Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain