Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Juan

Ang matanda sa hirang na ginang at sa kaniyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan; at hindi lamang ako, kundi pati ng lahat ng mga nakakakilala ng katotohanan;

Alangalang sa katotohanan na nananahan sa atin, at sasa atin magpakailan man:

Sumaatin nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa Dios Ama at kay Jesucristo, Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pagibig.

Ako'y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na nagsisilakad sa katotohanan, ayon sa ating tinanggap na utos sa Ama.

At ngayo'y ipinamamanhik ko sa iyo, ginang, na hindi waring sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo'y mangagibigan sa isa't isa.

At ito ang pagibig, na tayo'y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo'y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.

Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan.

Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

10 Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin:

11 Sapagka't ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa.

12 Yamang may maraming mga bagay na isusulat sa inyo, ay hindi ko ibig isulat sa papel at tinta; datapuwa't inaasahan kong pumariyan sa inyo, at makipagusap ng mukhaan, upang malubos ang inyong galak.

13 Ang mga anak ng iyong hirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.

3 Juan

Ang matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan.

Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay guminhawa ka at bumuti ang iyong katawan, na gaya ng pagginhawa ng iyong kaluluwa.

Sapagka't ako'y totoong nagalak nang magsidating ang mga kapatid at mangagpatotoo sa iyong katotohanan, ayon sa paglakad mo sa katotohanan.

Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.

Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa doon sa mga kapatid at sa mga taga ibang lupa;

Na siyang nangagpapatotoo ng iyong pagibig sa harapan ng iglesia: na iyong gagawan ng magaling kung iyong tutulungan sila ng nararapat sa Dios, sa kanilang paglalakbay:

Sapagka't dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang kinuhang anoman sa mga Gentil.

Nararapat nga nating tanggaping mabuti ang mga gayon, upang tayo'y maging kasama sa paggawa sa katotohanan.

Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa't si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap.

10 Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia.

11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios.

12 Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat, at ng katotohanan: oo, kami man ay nagpapatotoo rin; at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay.

13 Maraming mga bagay ang isusulat ko sana sa iyo, datapuwa't hindi ko ibig isulat sa iyo ng tinta at panulat:

14 Datapuwa't inaasahan kong makita kang madali, at tayo'y magkakausap ng mukhaan. Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa pangalan.

Judas

Si Judas, na alipin ni Jesucristo, at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal sa Dios Ama, at iniingatang para kay Jesucristo:

Kaawaan at kapayapaan at pagibig ang sa inyo nawa'y paramihin.

Mga minamahal, samantalang ako'y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal.

Sapagka't may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo.

Ninanasa ko ngang ipaalaala sa inyo, bagama't nalalaman ninyong maigi ang lahat ng mga bagay, na nang mailigtas ng Panginoon ang isang bayan, sa lupain ng Egipto, ay nilipol niya pagkatapos yaong mga hindi nagsisipanampalataya.

At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.

Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila'y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan.

Gayon ma'y ang mga ito rin naman sa kanilang pagkagupiling ay inihahawa ang laman, at hinahamak ang mga paghahari, at nilalait ang mga puno.

Datapuwa't ang arkanghel Miguel, nang makipaglaban sa diablo, na nakikipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pagalipusta, kundi sinabi, Sawayin ka nawa ng Panginoon.

10 Datapuwa't ang mga ito'y nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman: at sa mga bagay na talagang kanilang nauunawa, ay nangagpapakasira na gaya ng mga kinapal na walang bait.

11 Sa aba nila! sapagka't sila'y nagsilakad sa daan ni Cain, at nagsidaluhong na walang pagpipigil sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at nangapahamak sa pagsalangsang ni Core.

12 Ang mga ito'y pawang mga batong natatago sa inyong piging ng pagiibigan, kung sila'y nakikipagpiging sa inyo, mga pastor na walang takot na nangagpapasabsab sa kanilang sarili; mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat;

13 Mga mabangis na alon sa dagat, na pinagbubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga bituing gala na siyang pinaglaanan ng pusikit ng kadiliman magpakailan man.

14 At ang mga ito naman ang hinulaan ni Enoc, na ikapito sa bilang mula kay Adam, na nagsabi, Narito, dumating ang Panginoon, na kasama ang kaniyang mga laksalaksang banal,

15 Upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang sumbatan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng mga bagay na mabibigat na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.

16 Ang mga ito'y mga mapagbulong, mga madaingin, na nangagsisilakad ayon sa kanilang masasamang pita (at ang kanilang bibig ay nangagsasalita ng mga kapalaluan), nangagpapakita ng galang sa mga tao dahil sa pakikinabangin.

17 Nguni't kayo, mga minamahal, ay alalahanin ninyo ang mga salitang nang una'y sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo;

18 Kung paanong sinabi sa inyo, Magkakaroon ng mga manunuya sa huling panahon, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita.

19 Ang mga ito ang nagsisigawa ng paghihiwalay, malalayaw, na walang taglay na Espiritu.

20 Nguni't kayo, mga minamahal, papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo,

21 Na magsipanatili kayo sa pagibig sa Dios, na inyong asahan ang awa ng ating Panginoong Jesucristo sa ikabubuhay na walang hanggan.

22 At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan;

23 At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.

24 Ngayon doon sa makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.

25 Sa iisang Dios na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon, ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang paghahari, at ang kapangyarihan, sa kaunaunahang panahon, at ngayon at magpakailan man. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain