Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 83

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Mga Awit 146-147

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
    sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
    kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
    at tinatalian ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
    ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
    hindi masukat ang kanyang unawa.
Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
    kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.

Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
    umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
    naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
    nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
    at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
    ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
    sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.

12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
    Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
    pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
    binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
    mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
    siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
    sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
    kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
    ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
    at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!

Mga Awit 85-86

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
    ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
    pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
Inalis mo ang lahat ng poot mo,
    tumalikod ka sa bangis ng galit mo.

O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
    at alisin mo ang iyong galit sa amin.
Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
    Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
    upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
    at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Panalangin ni David.

86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
    sapagkat dukha at nangangailangan ako.
Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
    iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
O Panginoon, maawa ka sa akin,
    sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
    sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
    sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
    sapagkat sinasagot mo ako.

Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
    ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
    at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
    at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
    ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
    upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
    ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
    at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
    sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.

14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
    isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
    at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
    banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
    ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
    at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
    upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
    sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.

2 Mga Hari 9:1-16

Si Jehu ay Pinahiran ng Langis Bilang Hari ng Israel

At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kanya, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis at pumunta ka sa Ramot-gilead.

Pagdating mo, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi. Pasukin mo siya at paalisin mo siya sa kanyang mga kasamahan at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.

Pagkatapos ay kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kanyang ulo, at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Binubuhusan kita upang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos ay buksan mo ang pintuan at tumakas ka, huwag ka ng maghintay.”

Kaya't ang batang lalaki, ang lingkod ng propeta ay pumunta sa Ramot-gilead.

Nang siya'y dumating, ang mga punong-kawal ng hukbo ay nagpupulong. At kanyang sinabi, “Ako'y may sasabihin sa iyo, O punong-kawal.” At sinabi ni Jehu, “Sino sa aming lahat?” At kanyang sinabi, “Sa iyo, O punong-kawal.”

Kaya't(A) siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at ibinuhos niya ang langis sa kanyang ulo, na sinasabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Aking binuhusan ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, samakatuwid ay sa Israel.

Ibabagsak mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, upang aking maipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezebel.

Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol at aking ihihiwalay kay Ahab ang bawat batang lalaki, bihag man o malaya, sa Israel.

Aking gagawin ang sambahayan ni Ahab na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia.

10 Lalapain(B) ng mga aso si Jezebel sa nasasakupan ng Jezreel, at walang maglilibing sa kanya.” Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pintuan, at tumakas.

11 Nang lumabas si Jehu patungo sa mga lingkod ng kanyang panginoon, kanilang sinabi sa kanya, “Lahat ba'y mabuti? Bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo?” At sinabi niya sa kanila, “Kilala ninyo ang lalaki at ang kanyang pananalita.”

12 Kanilang sinabi, “Ito'y isang kasinungalingan, sabihin mo sa amin ngayon.” At kanyang sinabi, “Ganito lamang ang sinabi niya sa akin: ‘Ganito at ganito ang sabi ng Panginoon, Binuhusan kita ng langis upang maging hari sa Israel.’”

13 At dali-daling kinuha ng bawat isa ang kanya-kanyang kasuotan at iniladlad para sa kanya sa ibabaw ng hagdan, at kanilang hinipan ang trumpeta, at ipinahayag, “Si Jehu ay hari.”

Napatay si Haring Joram ng Israel

14 Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria;

15 ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, “Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel.”

16 Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram.

1 Corinto 6:12-20

12 “Ang(A) lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;” ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid,” ngunit hindi ako paaalipin sa anuman.

13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan.

14 At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

15 Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi(B) ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, “Ang dalawa ay magiging isang laman.”

17 Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya.

18 Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan.

19 O(C) hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili?

20 Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos.

Mateo 6:1-6

Turo tungkol sa Paglilimos

“Mag-ingat(A) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.

“Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,

upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.

Turo tungkol sa Pananalangin(B)

“At(C) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]

Mateo 6:16-18

Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;

18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001