Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
2 Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
3 Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”
4 Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
5 Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!
71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
2 Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
3 Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.
4 Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
5 Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.
7 Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
8 Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
9 Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”
12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.
17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.
Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.
22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
Sinalakay ang Ramot-gilead(A)
29 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.
31 Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”
32 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.
33 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.
34 Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”
35 Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.
36 Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”
Si Ahab ay Napatay
37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.
38 At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.
39 Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari sa Israel?
40 Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda(B)
41 Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.
42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
43 Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.
44 Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.
45 Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga hari ng Juda?
14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.
15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.
16 “Sapagkat(A) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya
3 Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.
2 Pinainom(B) ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,
3 sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?
4 Sapagkat(C) kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?
5 Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.
6 Ako(D) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.
7 Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.
8 Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.
9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.
11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.
12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,
13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.
14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.
15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya.
2 At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi:
Ang Mapapalad(A)
3 “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
4 “Mapapalad(B) ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.
5 “Mapapalad(C) ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.
6 “Mapapalad(D) ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.
7 “Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.
8 “Mapapalad(E) ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
10 “Mapapalad(F) ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001