Book of Common Prayer
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
3 Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng Panginoon mula sa bundok, na sinasabi, “Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel:
4 Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.
5 Kaya't(A) (B) ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.
6 Sa(C) akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”
7 Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kanya.
8 Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.
16 Sa(A) (B) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.
17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.
18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.
19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.
20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.
4 Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at
5 tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
6 Sapagkat(A) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”
7 Kaya't(B) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,
“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ay siyang naging puno ng panulok,”
8 at,(C)
“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”
Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.
9 Ngunit(D) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.
10 Noon(E) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001