Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)
12 Kay rami na nitong mga suliranin,
na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
Sinubok ng Diyos si Abraham
22 Pagkalipas(A) ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya.
2 Sinabi(B) sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
3 Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. 4 Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. 5 Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”
6 Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. 7 Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”
“Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham.
“Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac.
8 Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad.
9 Pagsapit(C) nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. 10 Nang sasaksakin na niya ang bata, 11 tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!”
“Narito po ako,” sagot ni Abraham.
12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.”
13 Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.”
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito.
Inihayag ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(A)
36 “Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.”
37 Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.”
38 Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay para sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(B) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.