Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 131-133

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

Awit ng Parangal para sa Templo

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
    huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
    O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
    hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
    isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
    sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
    sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
    ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!

10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
    ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
    huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
    “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
    matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
    at ang mga utos ko ay igagalang,
    ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”

13 Pinili ni Yahweh,
    na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
    ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
    hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
    upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
    ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Mga Awit 142

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

Jeremias 26:1-16

Binantaang Patayin si Jeremias

26 Nang(A) pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa.

“Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang(B) templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’”

Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao.

10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. 11 Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.”

12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo. 13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo. 14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan. 15 Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.”

16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.”

Roma 11:1-12

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Ito(A) ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi(B) niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Ngunit(C) ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.

Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. Tulad(D) ng nasusulat:

“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
    mga matang hindi makakita
    at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”

At(E) sinabi rin ni David,

“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
    isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
    at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”

11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!

Juan 10:19-42

19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”

Itinakwil ng mga Judio si Jesus

22 Taglamig(A) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”

25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(B) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(C) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(D) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(E) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.