Book of Common Prayer
120 Sa aking kahirapan ay dumaing ako sa Panginoon, at sinagot niya ako.
2 Iligtas mo ang aking kaluluwa, Oh Panginoon, sa mga sinungaling na labi, at mula sa magdarayang dila.
3 Anong maibibigay sa iyo, at anong magagawa pa sa iyo, ikaw na magdarayang dila?
4 Mga hasang pana ng makapangyarihan, at mga baga ng enebro.
5 Sa aba ko, na nakikipamayan sa Mesech, na tumatahan ako sa mga tolda sa Kedar!
6 Malaon ng tinatahanan ng aking kaluluwa na kasama niyang nagtatanim sa kapayapaan.
7 Ako'y sa kapayapaan: nguni't pagka ako'y nagsasalita, sila'y sa pakikidigma.
121 Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; saan baga manggagaling ang aking saklolo?
2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos: siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.
4 Narito, siyang nagiingat ng Israel hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo: ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw sa araw, ni ng buwan man sa gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; kaniyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.
122 Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin, tayo'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon.
2 Ang mga paa natin ay nagsisitayo sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo na parang bayang siksikan:
4 Na inaahon ng mga lipi, sa makatuwid baga'y ng mga lipi ng Panginoon, na pinaka patotoo sa Israel, upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Sapagka't doo'y nalagay ang mga luklukan na ukol sa kahatulan, ang mga luklukan ng sangbahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem: sila'y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo.
7 Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta, at kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasio.
8 Dahil sa aking mga kapatid at aking mga kasama, aking sasabihin ngayon, kapayapaan ang sumaiyong loob.
9 Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios. Hahanapin ko ang iyong buti.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko, Oh sa iyo na nauupo sa mga langit.
2 Narito, kung paanong tumitingin ang mga mata ng mga alipin sa kamay ng kanilang panginoon, kung paano ang mga mata ng alilang babae sa kamay ng kaniyang panginoong babae; gayon tumitingin ang mga mata namin sa Panginoon naming Dios, hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, Oh Panginoon, maawa ka sa amin: sapagka't kami ay lubhang lipos ng kadustaan.
4 Ang aming kaluluwa'y lubhang lipos ng duwahagi ng mga tiwasay. At ng paghamak ng palalo.
124 Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, sabihin ng Israel ngayon,
2 Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin:
3 Nilamon nga nila sana tayong buhay, nang ang kanilang poot ay mangagalab laban sa atin:
4 Tinabunan nga sana tayo ng tubig, dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng agos:
5 Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng mga palalong tubig.
6 Purihin ang Panginoon, na hindi tayo ibinigay na pinaka huli sa kanilang mga ngipin.
7 Ang kaluluwa natin ay nakatanan na parang ibon sa silo ng mga manghuhuli: ang silo ay nasira, at tayo ay nakatanan.
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon, na siyang gumawa ng langit at lupa.
125 Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.
2 Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan, mula sa panahong ito at sa magpakailan man.
3 Sapagka't ang cetro ng kasamaan ay hindi bubuhatin sa mga matuwid; upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.
4 Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti, at yaong matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Nguni't sa nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad, ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Kapayapaan nawa ay suma Israel.
126 Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion, tayo ay gaya niyaong nangananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang bibig natin ng pagtawa, at ang dila natin ng awit: nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, Ginawan sila ng Panginoon ng mga dakilang bagay.
3 Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay; na siyang ating ikinatutuwa.
4 Papanumbalikin mo uli ang aming nangabihag, Oh Panginoon, na gaya ng mga batis sa Timugan.
5 Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.
6 Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya'y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.
127 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo: malibang ingatan ng Panginoon ang bayan, walang kabuluhang gumigising ang bantay.
2 Walang kabuluhan sa inyo na kayo'y magsibangong maaga, at magpahingang tanghali, at magsikain ng tinapay ng kapagalan: sapagka't binibigyan niyang gayon ng pagkakatulog ang kaniyang minamahal.
3 Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.
4 Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake, gayon ang mga anak ng kabataan.
5 Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon: sila'y hindi mapapahiya, pagka sila'y nakikipagsalitaan sa kanilang mga kaaway sa pintuang-bayan.
15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
18 At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
19 Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Ako'y umalis na puno, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
22 Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.
12 Sapagka't ang aming pagmamapuri ay ito, ang pagpapatotoo ng aming budhi, ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Dios, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Dios, na kami'y nagugali ng gayon sa sanglibutan at lalong sagana pa nga sa inyo.
13 Sapagka't hindi namin kayo sinusulatan ng ibang mga bagay, maliban na sa inyong binabasa, o kinikilala, at umaasa ako na inyong kikilalanin hanggang sa katapusan:
14 Gaya naman ng inyong bahagyang pagkilala sa amin, na kami'y inyong kapurihan, gayon din naman kayo'y sa amin, sa araw ng Panginoong si Jesus.
15 At sa pagkakatiwalang ito ay ninasa kong pumariyan muna sa inyo, upang kayo'y mangagkaroon ng pangalawang pakinabang;
16 At magdaan sa inyo na patungo sa Macedonia, at muling buhat sa Macedonia ay magbalik sa inyo, at nang tulungan ninyo ako sa paglalakbay ko sa Judea.
17 Nang nasain ko nga ang ganito, ako baga kaya ay nagatubili? o ang mga bagay na ninasa ko, ay mga ninasa ko baga ayon sa laman, upang magkaroon sa akin ng oo, oo, at ng hindi, hindi?
18 Nguni't palibhasa'y ang Dios ay tapat, ang aming salita sa inyo ay di oo at hindi.
19 Sapagka't ang Anak ng Dios, si Jesucristo, na ipinangaral namin sa inyo, ako at si Silvano at si Timoteo, hindi naging oo at hindi, kundi sa kaniya ay naging oo.
20 Sapagka't maging gaano man ang mga pangako ng Dios, ay nasa kaniya ang oo: kaya nga naman na sa kaniya ang Siya Nawa sa ikaluluwalhati ng Dios sa pamamagitan namin.
21 Ngayon, siya na ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa atin, ay ang Dios,
22 Na siyang nagtatak naman sa atin, at nagbigay ng patotoo ng Espiritu sa ating mga puso.
13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.
15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.
16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.
17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.
18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
Public Domain