Book of Common Prayer
97 Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.
98 Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.
99 Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.
100 Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
101 Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.
103 Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!
104 Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.
105 Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.
106 Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan.
107 Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo.
109 Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
110 Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso.
112 Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas.
113 Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko.
114 Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita.
115 Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong salita, upang ako'y mabuhay; at huwag mo akong hiyain sa aking pagasa.
117 Alalayan mo ako, at ako'y maliligtas, at magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan.
118 Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan.
119 Inaalis mo ang lahat ng masama sa lupa na gaya ng taing bakal; kaya't iniibig ko ang mga patotoo mo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa iyong mga kahatulan.
81 Magsiawit kayo ng malakas sa Dios na ating kalakasan: mangagkaingay kayo na may kagalakan sa Dios ni Jacob,
2 Magsiawit kayo at dalhin ninyo rito ang pandereta, ang masayang alpa sangpu ng salterio.
3 Magsihihip kayo ng pakakak sa bagong buwan, sa kabilugan ng buwan, sa ating dakilang kapistahan.
4 Sapagka't pinakapalatuntunan sa Israel, ayos ng Dios ni Jacob.
5 Kaniyang inilagay na pinakapatotoo sa Jose, nang siya'y lumabas na maglakbay sa lupain ng Egipto: na aking kinaringgan ng wika na di ko nauunawa.
6 Aking inihiwalay ang kaniyang balikat sa pasan: ang mga kamay niya'y napabitiw sa luwelang.
7 Ikaw ay tumawag sa kabagabagan, at iniligtas kita; sinagot kita sa lihim na dako ng kulog; sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
8 Dinggin mo, Oh bayan ko, at ako'y sasaksi sa iyo: Oh Israel, kung ikaw ay makikinig sa akin!
9 Hindi magkakaroon ng ibang dios sa iyo; at hindi ka man sasamba sa anomang ibang dios.
10 Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Egipto: bukhin mong maluwang ang iyong bibig, at aking pupunuin.
11 Nguni't hindi nakinig sa aking tinig ang bayan ko; at hindi ako sinunod ng Israel.
12 Sa gayo'y aking pinasunod sa pagmamatigas ng kanilang puso, upang sila'y makalakad sa kanilang sariling mga payo.
13 Oh kung ako'y didinggin ng aking bayan, kung ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Aking pasusukuing madali ang kanilang mga kaaway, at ibabalik ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kaaway.
15 Ang mga mapagtanim sa Panginoon ay magsisisuko sa kaniya: nguni't ang kanilang panahon ay mananatili kailan man,
16 Kaniya ring pakakanin sila ng katabaan ng trigo: at ng pulot na mula sa bato ay bubusugin kita.
82 Ang Dios ay tumatayo sa kapisanan ng Dios; siya'y humahatol sa gitna ng mga dios.
2 Hanggang kailan magsisihatol kayo ng kalikuan, at magsisigalang sa mga pagkatao ng masama? (Selah)
3 Hatulan mo ang dukha at ulila: gawan mo ng kaganapan ang napipighati at walang nagkakandili.
4 Sagipin mo ang dukha at mapagkailangan: iligtas ninyo sila sa kamay ng masama,
5 Hindi nila nalalaman, ni nauunawa man; sila'y nagsisilakad na paroo't parito sa kadiliman: lahat ng patibayan ng lupa ay nangakilos.
6 Aking sinabi, Kayo'y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.
7 Gayon ma'y mangamamatay kayong parang mga tao, at mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.
8 Bumangon ka, O Dios, hatulan mo ang lupa: sapagka't iyong mamanahin ang lahat ng mga bansa.
15 Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.
16 At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.
17 At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.
18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.
19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.
20 At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.
21 At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.
15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.
16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;
17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.
18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.
2 Ikaw nga, anak ko, magpakalakas ka sa biyayang nasa kay Cristo Jesus.
2 At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa mga iba.
3 Makipagtiis ka sa akin ng mga kahirapan, na gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus.
4 Sinomang kawal na nasa pagkakawal ay hindi nahalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya'y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal.
5 At kung ang sinoman ay makikipaglaban naman sa mga laro, ay hindi pinuputungan maliban na kung makipaglabang matuwid.
6 Ang magsasaka na nagpapagal ay siyang kailangang unang makabahagi sa mga bunga.
7 Isipin mo ang sinasabi ko; sapagka't bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.
8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio:
9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan.
10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya:
12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:
13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili.
10 At siya'y umalis doon, at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila.
2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso.
3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?
4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya.
5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito.
6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila.
7 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa;
8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa:
12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.
13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.
14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.
Public Domain