Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 72

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
    mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
    ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
    at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
    na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
    Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
    Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
    At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
    kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
    Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
    at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

1 Samuel 1:1-20

Ang Kapanganakan ni Samuel

May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala.

Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa Panginoong Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon sa Shilo. Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”

9-10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.[a] 11 Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”

12-13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14 kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15 Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”

17 Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18 Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.

19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[b] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

Hebreo 3:1-6

Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises

Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[a] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin.

Salmo 146-147

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

147 Purihin ang Panginoon!
    Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
    at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
    at ginagamot ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
    at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

Makapangyarihan ang ating Panginoon.
    Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
    ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
    Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
    at pinauulanan niya ang mundo,
    at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
    at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
    at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
    at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
    at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
    at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
    Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
    Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
    hindi nila alam ang kanyang mga utos.

    Purihin ang Panginoon!

Juan 3:25-30

25 Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tagasunod ni Juan at ang isang Judio tungkol sa bautismo.[a] 26 Kaya pumunta sila kay Juan at sinabi, “Guro, ang kasama nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, na ipinakilala nʼyo sa mga tao ay nagbabautismo na rin, at nagpupuntahan sa kanya ang halos lahat ng tao.” 27 Sumagot si Juan, “Walang magagawa ang tao kung hindi ipahintulot ng Dios. 28 Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya upang ipahayag ang pagdating niya. 29 Kagaya sa isang kasal: ang babaeng ikakasal ay para sa lalaking ikakasal, at ang abay na naghihintay ay natutuwa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ganoon din sa akin, tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus. 30 Kailangang lalo pa siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®