Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-24

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Salmo 12-14

Panalangin para Tulungan ng Dios

12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
    dahil wala nang makadios,
    at wala na ring may paninindigan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
    Nambobola sila para makapandaya ng iba.
Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
Sinasabi nila,
    “Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
    Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
    at walang sinumang makakapigil sa amin.”

Sinabi ng Panginoon,
    “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
    at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
    Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
    gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.

Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
    at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
Pinalibutan nila kami,
    at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.

Panalangin para Tulungan

13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
    Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
    Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
    Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
    Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?

Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
    sagutin nʼyo ang aking dalangin.
    Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
    upang hindi ako mamatay
at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
    At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Kawikaan 6:1-19

Dagdag na Babala

Anak, kapag nangako kang managot sa utang ng iba, at naipit ka sa pangakong iyon, ganito ang gawin mo upang maayos ang pananagutan mo sa kanya: Puntahan mo siya at makiusap na pakawalan ka niya sa iyong pananagutan. Huwag kang titigil na makiusap hanggang sa maging malaya ka, tulad ng isang ibon o usa na nakawala sa isang mangangaso.

Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan ang pamumuhay ng mga langgam upang matuto kayo sa kanila. Kahit na walang namumuno at nag-uutos sa kanila, nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw at panahon ng anihan, upang may makain sila pagdating ng tag-ulan. Kayong mga tamad, matutulog nang matutulog na lang ba kayo? Kailan kayo gigising? 10 Kaunting tulog, kaunting pahinga at ang paminsan-minsang paghalukipkip ng mga kamay, 11 at hindi ninyo mamamalayan darating ang kahirapan na para kayong ninakawan ng tulisan.

12 Ang taong walang kwenta at masama ay puro kasinungalingan ang sinasabi. 13 Kumikindat at sumisenyas siya gamit ang kanyang mga kamay at paa para makumbinsi ang mga tao sa mga sinasabi niya. 14 Ang puso niya ay puno ng pandaraya, laging nagbabalak na gumawa ng masama at sa mga gulo siya ang nagpapasimula. 15 Kaya biglang darating sa kanya ang kapahamakan at hindi na siya matutulungan.

16 May mga bagay[a] na kinamumuhian ang Panginoon:

17 ang pagmamataas,
    ang pagsisinungaling,
    ang pagpatay ng tao,
18 ang pagpaplano ng masama,
    ang pagmamadaling gumawa ng masama,
19 ang pagpapatotoo sa kasinungalingan,
    at pinag-aaway ang kanyang kapwa.

1 Juan 5:1-12

Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios. Si Jesus na naparito sa mundo ay napatunayang Anak ng Dios sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa tubig kundi sa pamamagitan din ng dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan din sa atin ng Banal na Espiritu, dahil ang Espiritu ay katotohanan. Kaya may tatlong nagpapatotoo tungkol kay Jesus: ang Banal na Espiritu, ang tubig nang magpabautismo siya, at ang dugo nang mamatay siya. At ang tatlong itoʼy nagkakaisa. Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ngunit higit na maaasahan ang patotoo ng Dios dahil siya mismo ang nagpatotoo tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay naniniwala sa patotoo ng Dios. Ang sinumang hindi naniniwala sa patotoong ito ay ginagawang sinungaling ang Dios dahil hindi siya naniniwala sa patotoo ng Dios tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo ng Dios: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na itoʼy nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang nasa kanya ang Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang sinumang wala sa kanya ang Anak ng Dios ay walang buhay na walang hanggan.

Mateo 11:16-24

16 “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,[a] pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’ 18 Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19 At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”[b]

Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)

20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[c] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![d] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®