Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios
(Salmo 40:13-17)
70 Panginoong Dios,
iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
2 Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
3 Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
4 Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
5 Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.
Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.
27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.
29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.
30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.
31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.
33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.
Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.
1 Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pagbabalik ni Cristo at ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo. Nararapat lang na gawin namin ito, dahil patuloy na lumalago ang pananampalataya nʼyo kay Cristo at pagmamahalan sa isaʼt isa. 4 Kaya naman, ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Dios sa ibang lugar dahil sa katatagan at pananampalataya nʼyo, sa kabila ng lahat ng dinaranas ninyong paghihirap at pag-uusig.
5 Nagpapatunay ang mga ito na makatarungan ang hatol ng Dios, dahil ang dinaranas ninyong paghihirap para sa kaharian niya ay gagamitin niyang patotoo na karapat-dapat nga kayong mapabilang dito. 6 Gagawin ng Dios ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 At kayong mga naghihirap ay bibigyan niya ng kapahingahan kasama namin. Mangyayari ito pagbalik ng Panginoong Jesus galing sa langit kasama ng makapangyarihan niyang mga anghel. 8 Darating siyang napapalibutan ng nagliliyab na apoy, at parurusahan niya ang mga hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Magandang Balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. 9 Parurusahan sila ng walang hanggang paghihirap at pagkawalay sa Panginoon, at hindi na nila makikita pa ang dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng pagbabalik niya, at papapurihan at pararangalan siya ng mga pinabanal niya na walang iba kundi ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo rito, dahil sumampalataya kayo sa ipinahayag namin sa inyo.
11 Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.
25 “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?
28 “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. 29 Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. 30 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 31 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. 32 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 33 Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. 34 Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®