Book of Common Prayer
18 Mga anak, magmahal tayo, hindi lamang sa pamamagitan ng salita o kaya'y ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at ng katotohanan.
19 Sa ganitong paraan natin malalaman na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at magiging panatag ang ating puso sa harapan niya 20 tuwing hahatulan tayo nito; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, mayroon tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. 22 At tatanggapin natin ang anumang hilingin natin sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang utos, na sumampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan sa isa't isa, tulad ng ibinigay niyang utos sa atin. 24 Sinumang tumutupad sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. Ganito natin malalaman na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Ang Espiritu ng Diyos at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong maniwala sa bawat espiritu, sa halip ay subukin ninyo ang mga espiritu, kung ang mga ito'y sa Diyos, sapagkat maraming huwad na propeta ang naririto na sa sanlibutan. 2 Makikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos sa ganitong paraan: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao ay sa Diyos. 3 Ang bawat espiritung hindi kumikilala kay Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ay espiritu ng anti-Cristo na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanlibutan na. 4 Mga anak, kayo'y sa Diyos, at napagtagumpayan na ninyo sila, sapagkat higit na makapangyarihan siya na nasa inyo kaysa kanya na nasa sanlibutan. 5 Sila ay mula sa sanlibutan, kaya't ang sinasabi nila ay mula sa sanlibutan, at pinakikinggan sila nito. 6 Tayo ay sa Diyos. Ang sinumang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, at sinumang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Ang mga Sinugo ni Juan na Tagapagbautismo(A)
11 Matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, nilisan niya ang lugar na iyon upang magturo at mangaral sa kanilang mga bayan. 2 Nang mabalitaan ni Juan, na noon ay nasa bilangguan, ang tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagsugo siya ng kanyang mga alagad, 3 at ipinatanong, “Ikaw na ba ang darating, o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus sa kanila, “Pagbalik ninyo kay Juan ay sabihin ninyo sa kanya ang inyong mga naririnig at nakikita. 5 Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga paralitiko, nagiging malinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 6 Pinagpala ang sinumang hindi natitisod dahil sa akin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.