Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 118

Pagpapasalamat sa pagliligtas ng Panginoon.

118 Oh mangagpasalamat kayo (A)sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(B)Magsabi ngayon ang Israel,
Na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron,
Na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon,
Na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
(C)Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon:
Sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako (D)sa maluwag na dako.
(E)Ang Panginoon ay kakampi ko; (F)hindi ako matatakot:
Anong magagawa ng tao sa akin?
(G)Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin:
(H)Kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin.
(I)Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon
Kay sa maglagak ng tiwala sa tao.
Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon
Kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.
10 Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot:
Sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
11 Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot:
Sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
12 Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y (J)nangamatay na parang (K)apoy ng mga dawag:
Sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
13 Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal:
Nguni't tulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ay (L)aking kalakasan at awit;
At siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
Ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
16 (M)Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi;
Ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
17 (N)Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
At (O)magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon.
18 (P)Pinarusahan akong mainam ng Panginoon;
Nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 (Q)Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
Aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.
20 Ito'y siyang pintuan ng Panginoon;
(R)Papasukan ng matuwid.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo, sapagka't sinagot mo ako!
At ikaw ay naging aking kaligtasan.
22 (S)Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay
Ay naging pangulo sa sulok.
23 Ito ang gawa ng Panginoon:
Kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon;
Tayo'y mangagagalak at ating katutuwaan.
25 Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Panginoon:
Oh Panginoon, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaginhawahan.
26 (T)Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon:
Aming pinuri kayo mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Dios, at (U)binigyan niya kami ng liwanag;
Talian ninyo ang hain ng mga panali, sa makatuwid baga'y sa mga tila (V)sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Dios, at magpapasalamat ako sa iyo:
Ikaw ay aking Dios, aking ibubunyi ka.
29 (W)Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Mga Awit 145

Ang Panginoon ay pinarangalan sa kaniyang kagalingan at kapangyarihan. (A)Awit na pagpuri; ni David.

145 Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari;
At aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
Araw-araw ay pupurihin kita;
At aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
(B)Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin;
At ang (C)kaniyang kadakilaan ay hindi masayod.
(D)Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa.
At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa.
Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan,
At sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako.
At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
At aking ipahahayag ang iyong kadakilaan.
Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan,
At aawitin nila ang iyong katuwiran.
(E)Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan;
Banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.
(F)Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
At ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa.
10 (G)Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon;
(H)At pupurihin ka ng iyong mga banal.
11 Sila'y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian,
At mangungusap ng iyong kapangyarihan;
12 (I)Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa,
At ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian.
13 (J)Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
At ang kapangyarihan mo'y sa lahat ng sali't saling lahi.
14 (K)Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal,
At itinatayo yaong nangasusubasob.
15 (L)Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo;
At iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
16 Iyong binubuksan ang iyong kamay,
At sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay.
17 (M)Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan,
At mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa.
18 (N)Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya,
Sa lahat na nagsisitawag sa kaniya (O)sa katotohanan.
19 Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya;
Kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila.
20 (P)Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya;
Nguni't lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon;
(Q)At purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man.

Exodo 3:16-4:12

16 Yumaon ka (A)at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, (B)tunay na kayo'y aking dinalaw, at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Egipto.

17 At aking sinabi, Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Egipto at dadalhin ko kayo, sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

18 (C)At kanilang didinggin ang iyong tinig: (D)at ikaw ay paroroon, ikaw at ang mga matanda sa Israel, sa hari sa Egipto, at inyong sasabihin sa kaniya, Ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, (E)ay nakipagtagpo sa amin: at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay, na tatlong araw sa ilang, upang kami ay makapaghain sa Panginoon naming Dios.

19 At talastas ko, na hindi kayo pababayaang yumaon ng hari sa Egipto, kung hindi sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.

20 (F)At aking iuunat ang aking kamay, at sasaktan ko ang Egipto ng aking buong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyaon (G)at pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niya kayong yumaon.

21 (H)At pagkakalooban ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Egipcio: ay mangyayari, na pagyaon ninyo, ay hindi kayo yayaong walang dala:

22 Kundi bawa't babae ay hihingi sa kaniyang kapuwa, at sa tumatahan sa kaniyang bahay, ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto at mga damit: at inyong ipagsusuot sa inyong mga anak na lalake at babae; at inyong sasamsaman ang mga Egipcio.

Ang mga tanda at pangako.

At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa't, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka't kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo.

At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, (I)Isang tungkod.

At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas.

At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay).

Upang sila'y maniwala, na (J)ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo.

At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing (K)parang niebe.

At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, (L)nagsauling gaya ng kaniyang dating laman).

At mangyayari, na kung sila'y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda.

At mangyayari na kung sila'y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, (M)at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa.

10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako'y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: (N)sapagka't ako'y kimi sa pangungusap at umid sa dila.

11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Ngayon nga'y yumaon ka, (O)at ako'y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.

Roma 12

12 Kaya nga, mga kapatid, (A)ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na (B)inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.

At (C)huwag kayong magsiayon (D)sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo (E)sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo (F)kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.

Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na (G)huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, (H)ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa.

Sapagka't (I)kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:

Ay gayon din tayo, na (J)marami, ay iisang katawan kay Cristo, at (K)mga sangkap na samasama sa isa't isa.

(L)At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung (M)hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya;

O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo;

O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.

Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.

10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba;

11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon;

12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; (N)magmatiyagain sa pananalangin;

13 (O)Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.

14 Pagpalain ninyo (P)ang mga sa inyo'y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa (Q)nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak.

16 (R)Mangagkaisa kayo ng pagiisip. (S)Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. (T)Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.

17 (U)Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. (V)Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay (W)magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.

19 Huwag kayong (X)mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka't nasusulat, (Y)Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.

20 Kaya't (Z)kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo: sapagka't sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo.

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.

Juan 8:46-59

46 (A)Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan?

47 Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

48 Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at (B)mayroon kang demonio?

49 Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri.

50 Nguni't (C)hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol.

51 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, (D)Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan.

52 Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan.

53 Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham, na namatay? at nangamatay ang mga propeta: sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili?

54 Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: (E)ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios;

55 At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita.

56 (F)Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa.

57 Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?

58 Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, (G)ay ako nga.

59 Sila nga'y nagsidampot ng mga bato (H)upang ihagis sa kaniya: datapuwa't (I)nagtago si Jesus, at lumabas sa templo.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978