Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)
12 Kay rami na nitong mga suliranin,
na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
Panalangin Upang Saklolohan
Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
2 Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
3 Ang nagmamataas ay laban sa akin,
hangad ng malupit ang ako'y patayin,
kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]
4 Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
5 Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.
6 Buong galak naman akong maghahandog
ng pasasalamat kay Yahweh,
dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
7 Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
at aking nakitang sila ay talunan!
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
2 Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. 2 Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” 3 Natakot(A) ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.”
4 “Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari.
Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, 5 sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.”
6 Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan.
7 Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. 8 Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.
9 Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. 10 Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit.
Ang Muling Pagtatayo ng Pader
11 Dumating ako sa Jerusalem. Tatlong araw na ako roon ay 12 hindi ko pa ipinaalam kaninuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Sa gabi nang ikatlong araw, gumising ako at lumabas ng lunsod na may ilang kasama. Ang tanging hayop na dinala namin ay ang asnong aking sinasakyan. 13 Lumabas ako sa Pintuan ng Libis sa daang patungo sa Bukal ng Dragon hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Sinuri kong mabuti ang giba-gibang pader ng Jerusalem at ang mga nasunog nitong pintuan. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuang Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari. Pagdating doon, walang madaanan ang sinasakyan kong asno. 15 Kaya't naglakad ako patungong Libis at siniyasat ko ang pader. Pagkatapos ay muli akong pumasok sa Pintuan ng Libis pabalik. 16 Hindi alam ng mga pinuno kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa rin akong sinasabi sa mga Judio—sa mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at sa iba pang magkakaroon ng bahagi sa gawain.
17 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango na tayo sa kahihiyan.” 18 At sinabi ko sa kanila kung paano ako pinagpala ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari.
“Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo,” ang sagot nila. Kaya't naghanda nga sila upang simulan ang gawain.
19 Ngunit nang malaman ito nina Sanbalat na Horonita at Tobias na isang opisyal na Ammonita, at maging si Gesem na taga-Arabia, pinagtawanan nila kami at hinamak, at sinabing, “Ano ang ginagawa ninyong iyan? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”
20 Sinagot ko sila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem.”
12 Nang(A) alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag(B) mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naglaho(C) ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla. 15 Nagtago(D) sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. 16 At(E) sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero! 17 Sapagkat(F) dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?”
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
7 Pagkatapos(G) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 “Huwag(H) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel.
Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.