Book of Common Prayer
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
4 Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
5 Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
6 Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
pinakinggan niya ang aking paghibik.
7 Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
8 Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
9 Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
at mula sa ulap, bumuhos kaagad
ang maraming butil ng yelo at baga.
13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
mga pundasyon ng lupa ay nahayag.
16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.
35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
Si Jeremias sa Tuyong Balon
38 Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. 2 Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. 3 Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.”
4 Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.”
5 Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” 6 Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.
7 Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. 8 Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, 9 “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki[a] at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. 12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, 13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Kaayusan sa Iglesya
26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,
37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(A)
34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(B) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.
37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(C) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(D) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”
Mga Gantimpala(E)
40 “Ang(F) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.