Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan
Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.
102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing.
2 O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
3 Nanghihina akong usok ang katulad,
damdam ko sa init, apoy na maningas.
4 Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
pati sa pagkai'y di ako ganahan.
5 Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
yaring katawan ko'y buto na at balat.
6 Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
7 ang aking katulad sa hindi pagtulog,
ibon sa bubungang palaging malungkot.
8 Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.
9 Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
at sa Jerusalem pupurihing ganap
22 kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lunsod upang magsisamba.
23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25 nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
Sumangguni si Ezequias kay Isaias(A)
19 Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. 2 Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. 3 Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. 4 Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.”
5 Pagdating ng mga inutusan ng hari, 6 sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. 7 Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.”
Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(B)
8 Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. 9 Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”
14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(C) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”
Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(D)
20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria.
16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.
19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(A) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)
8 Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,[a] lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. 4 Pagkatapos,(B) sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”
Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano(C)
5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y(D) nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan(E) ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit(F) ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13 At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(G)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.