Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2 At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]
5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6 Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]
8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9 Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
sinubok mo kami upang dumalisay;
at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
sinubok mo kami sa apoy at baha,
bago mo dinala sa dakong payapa.
13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]
16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.
20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
Awit ng Pagpapasalamat
Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[d]
2 upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
3 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
4 Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[e]
5 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
6 Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!
7 Magpatuloy nawa iyong pagpapala
upang igalang ka ng lahat ng bansa.
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
Ang Pagkamatay ni Eli
12 Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo. 13 Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo. 14 Narinig ito ni Eli at itinanong niya, “Bakit nag-iiyakan ang mga tao?”
Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari. 15 Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakakita. 16 Sinabi ng Benjaminita kay Eli, “Ako po'y galing sa labanan. Mabuti na lang po at nakatakas ako.”
“Kumusta naman ang labanan, anak?” tanong ni Eli.
17 Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.”
18 Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel.
Namatay ang Asawa ni Finehas
19 Kabuwanan noon ng asawa ni Finehas. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, namatay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, biglang sumakit ang kanyang tiyan at napaanak nang di oras. 20 Malubha ang kanyang kalagayan. Sinabi ng mga hilot sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob, lalaki ang anak mo.” Ngunit hindi siya umimik.
21 Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod[a] na ang kahuluga'y “Umalis na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Ang tinutukoy niya'y ang pagkakuha sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa. 22 Inulit niya, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay wala na sa Israel sapagkat ang Kaban ng Diyos ay nakuha ng mga Filisteo.”
1 Mula(A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:
Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos[b] na nakikipamayan sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga(B) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit(C) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Ang Mahirap at ang Mayaman
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(D) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
Ang Pagsubok at ang Pagtukso
12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[c] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(E) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”
28 Sinabi(A) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][a] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(B) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.