Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 37

Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti

Katha ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
    huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
Katulad ng damo, sila'y malalanta,
    tulad ng halaman, matutuyo sila.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
    at mananahan kang ligtas sa lupain.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
    at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.

Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
    tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
    katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
    huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
    sa likong paraan, umunlad man sila.

Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
    walang kabutihang makakamtan ka.
Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
    ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.

10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
    kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
    at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.

12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
    napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
    pagkat araw nila lahat ay bilang na.

14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
    upang ang mahirap dustai't patayin,
    at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
    pawang mawawasak pana nilang taglay.

16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
    kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
    ngunit ang matuwid ay kakalingain.

18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
    ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
    di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
    kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
    para silang usok na paiilanlang.

21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
    ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
    ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.

23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
    sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
    pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.

25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
    sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
    o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
    pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.

27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
    upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
    ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
    ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
    at di na aalis sa lupang pamana.

30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
    at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
    sa utos na ito'y hindi lumalayo.

32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
    sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
    di rin magdurusa kahit paratangan.

34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
    ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
    at ang mga taksil makikitang palalayasin.

35 Ako'y may nakitang taong abusado,
    itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
    hinanap-hanap ko'y di ko na makita.

37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
    mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
    lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.

39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
    iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
    laban sa masama, ipagsasanggalang;
    sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.

Deuteronomio 4:32-40

32 “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? 33 Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? 34 Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? 35 Ang(A) mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. 36 Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. 37 At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. 38 Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. 39 Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. 40 Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

2 Corinto 3

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? Kayo mismo ang aming sulat ng rekomendasyon. Nakasulat kayo sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat. Ipinapakita ninyo na kayo ay sulat ni Cristo na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi nakaukit sa puso ng mga tao.

Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. Binigyan(A) niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.

Nang(B) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.

12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(C) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(D) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.

Lucas 16:1-9

Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala

16 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang[a] langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”

At(A) nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.