Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
    at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
    at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
    dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
    dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
    Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
    at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
    na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
    Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
    nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.

Salmo 9

Ang Makatarungang Paghatol ng Dios

Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
    Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
    tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
    Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
    kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
    sila ay lubusang nawasak.
    Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
    at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
    At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
    at wala kayong kinikilingan.
Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
    Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
    at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
    At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
    At ang masasama ay napahamak,
    dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
    dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
    at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.

19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
    tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
    at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.

Salmo 15

Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya

15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
    Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?

Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
    namumuhay ng tama,
    walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
hindi naninirang puri,
    at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
    ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
    Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
    at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
    Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.

Deuteronomio 4:9-14

Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng Panginoon. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng Panginoon na inyong Dios sa Bundok ng Sinai,[a] kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’ 11 Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. 12 Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita. 13 Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato. 14 Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.

2 Corinto 1:1-11

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na ating kapatid.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto, kasama ang lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios sa Acaya:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Dios

Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.

Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.

Lucas 14:25-35

Ang Pagsunod sa Panginoon(A)

25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Lumingon siya at sinabi sa kanila, 26 “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 27 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[a] ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 28 Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito. 29 Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na maipatapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito. 30 Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng bahay ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’ 31 Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway. 32 At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga sugo para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway. 33 Ganyan din ang gawin ninyo. Isipin muna ninyong mabuti ang pagsunod sa akin, dahil kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod ko.”

Ang Aral Mula sa Asin(B)

34 “Mabuti ang asin, pero kung mag-iba ang lasa,[b] wala nang magagawa para maibalik ang lasa nito. 35 Wala na itong pakinabang kahit ihalo sa dumi para maging pataba sa lupa, kaya itinatapon na lang ito ng mga tao. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong unawain!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®