Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 106

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
    kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
    Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
    Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
    at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
    at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
    ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
    kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
    at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
    napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Error: 'Karunungan ni Solomon 16:15-17:1' not found for the version: Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Roma 14:13-23

13 Kaya nga huwag na tayong maghatulan. Sa halip, iwasan na nating gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Jesus, alam ko na wala talagang bawal na pagkain. Pero kung inaakala ng isang tao na bawal ang isang pagkain, dapat huwag niyang kainin. 15 Kung nasasaktan ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi na naaayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipapahamak ang kapatid mo kay Cristo dahil lang sa pagkain, dahil namatay din si Cristo para sa kanya. 16 Huwag mong gawin ang anumang bagay na itinuturing ng iba na masama kahit na para sa iyo ito ay mabuti. 17 Sapagkat ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi tungkol sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa isaʼt isa, at kagalakan na mula sa Banal na Espiritu. 18 Ang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugod-lugod sa Dios at iginagalang ng kapwa.

19 Kaya pagsikapan nating gawin lagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa. 20 Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, pero ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba. 21 Mas mabuti pang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gawin ang isang bagay kung iyon ang magiging dahilan ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Kaya anuman ang iyong paniniwala sa mga bagay na ito, ikaw na lang at ang Dios ang dapat makaalam. Mapalad ang taong hindi inuusig ng kanyang konsensya dahil sa paggawa ng mga bagay na alam niyang tama. 23 Pero ang sinumang kumakain nang may pag-aalinlangan ay nagkakasala[a] dahil hindi na ito ayon sa kanyang paniniwala. Sapagkat kasalanan ang anumang bagay na ginagawa natin na hindi ayon sa ating paniniwala.

Lucas 8:40-56

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)

40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.

Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®