Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 120-127

Panalangin sa pagliligtas mula sa mga sucab. (A)Awit sa mga Pagsampa.

120 Sa aking kahirapan ay (B)dumaing ako sa Panginoon,
At sinagot niya ako.
Iligtas mo ang aking kaluluwa, Oh Panginoon, sa mga sinungaling na labi,
At mula sa magdarayang dila.
Anong maibibigay sa iyo, at anong magagawa pa sa iyo,
Ikaw na magdarayang dila?
Mga hasang pana ng makapangyarihan,
At mga baga ng enebro.
Sa aba ko, na nakikipamayan sa (C)Mesech,
Na (D)tumatahan ako sa mga tolda sa Kedar!
Malaon ng tinatahanan ng aking kaluluwa
Na kasama niyang nagtatanim sa kapayapaan.
Ako'y sa kapayapaan:
Nguni't pagka ako'y nagsasalita, sila'y sa pakikidigma.

Ang Panginoon ang tagapagingat ng kaniyang bayan. Awit sa mga Pagsampa.

121 Ititingin ko ang aking mga mata sa (E)mga bundok;
Saan baga manggagaling ang aking saklolo?
(F)Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
Na gumawa ng langit at lupa.
(G)Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos:
Siyang nagiingat sa iyo, ay (H)hindi iidlip.
Narito, siyang nagiingat ng Israel
Hindi iidlip ni matutulog man.
Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo:
Ang Panginoon ay (I)lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan (J)ng araw sa araw,
Ni ng buwan man sa gabi.
Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
Kaniyang (K)iingatan ang iyong kaluluwa.
(L)Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
Mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.

Panalangin para sa katiwasayan ng Jerusalem. Awit sa mga Pagsampa; ni David.

122 Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin,
Tayo'y magsiparoon (M)sa bahay ng Panginoon.
Ang mga paa natin ay nagsisitayo
Sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem;
Jerusalem, na natayo
Na parang bayang (N)siksikan:
(O)Na inaahon ng mga lipi, sa makatuwid baga'y ng mga lipi ng Panginoon,
(P)Na pinaka patotoo sa Israel,
Upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
(Q)Sapagka't doo'y nalagay ang mga luklukan na ukol sa kahatulan,
Ang mga luklukan ng sangbahayan ni David.
(R)Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem:
Sila'y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo.
Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta,
At kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasio.
Dahil sa aking mga kapatid at aking mga kasama,
Aking sasabihin ngayon,
(S)Kapayapaan ang sumaiyong loob.
Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios.
(T)Hahanapin ko ang iyong buti.

Ang panalangin na umaasa sa tulong ng Panginoon. Awit sa mga Pagsampa.

123 Sa iyo'y (U)aking itinitingin ang mga mata ko,
Oh sa iyo (V)na nauupo sa mga langit.
Narito, kung paanong tumitingin ang mga mata ng mga alipin sa kamay ng kanilang panginoon,
Kung paano ang mga mata ng alilang babae sa kamay ng kaniyang panginoong babae;
Gayon tumitingin ang mga mata namin sa Panginoon naming Dios,
Hanggang sa siya'y maawa sa amin.
Maawa ka sa amin, Oh Panginoon, maawa ka sa amin:
Sapagka't kami ay lubhang lipos ng (W)kadustaan.
Ang aming kaluluwa'y lubhang lipos
(X)Ng duwahagi ng mga (Y)tiwasay.
At ng paghamak ng palalo.

Pagpuri dahil sa pagliligtas laban sa kaaway. Awit sa mga Pagsampa; ni David.

124 (Z)Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin,
(AA)Sabihin ng Israel ngayon,
Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin,
Nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin:
Nilamon nga nila sana (AB)tayong buháy,
Nang ang kanilang poot ay mangagalab laban sa atin:
Tinabunan nga sana tayo (AC)ng tubig,
Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng agos:
Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng mga palalong tubig.
Purihin ang Panginoon,
Na hindi tayo ibinigay na pinaka huli sa kanilang mga ngipin.
(AD)Ang kaluluwa natin ay nakatanan na parang ibon sa silo ng mga manghuhuli:
Ang silo ay nasira, at tayo ay nakatanan.
(AE)Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
Na siyang gumawa ng langit at lupa.

Ang Panginoon ay laging sumasa kaniyang bayan. Awit sa mga Pagsampa.

125 Silang nagsisitiwala sa Panginoon
Ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.
Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem,
Gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan,
Mula sa panahong ito at sa magpakailan man.
Sapagka't ang cetro ng kasamaan ay (AF)hindi bubuhatin sa (AG)mga matuwid;
Upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.
Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti,
At yaong matutuwid sa kanilang mga puso.
Nguni't sa (AH)nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad,
Ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
(AI)Kapayapaan nawa ay suma Israel.

Pagpapasalamat dahil sa pagkakabalik mula sa pagkabihag. Awit sa mga Pagsampa

126 Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion,
(AJ)Tayo ay gaya niyaong nangananaginip.
(AK)Nang magkagayo'y napuno ang bibig natin ng pagtawa,
At ang dila natin ng awit:
Nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
Ginawan sila ng Panginoon ng mga (AL)dakilang bagay.
Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay;
Na siyang ating ikinatutuwa.
Papanumbalikin mo uli ang aming nangabihag, Oh Panginoon,
Na gaya ng mga batis sa Timugan.
(AM)Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.
Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim;
Siya'y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.

Ang pananagana ay nagmumula sa Panginoon. Awit sa mga Pagsampa; ni Salomon.

127 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay,
Walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo:
(AN)Malibang ingatan ng Panginoon ang bayan,
Walang kabuluhang gumigising ang bantay.
Walang kabuluhan sa inyo na kayo'y magsibangong maaga,
At magpahingang tanghali,
(AO)At magsikain ng tinapay ng kapagalan:
Sapagka't binibigyan niyang gayon ng pagkakatulog ang kaniyang minamahal.
(AP)Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon:
At ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.
Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake,
Gayon ang mga anak ng kabataan.
Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon:
Sila'y hindi mapapahiya,
Pagka sila'y (AQ)nakikipagsalitaan sa kanilang mga kaaway sa (AR)pintuang-bayan.

Mga Hukom 18:1-15

Nilibot ng mga tiktik ang buong lupain.

18 Nang mga araw na (A)yaon ay walang hari sa Israel: at nang panahong yaon ay humahanap ang (B)lipi ng mga Danita, ng isang mana na matatahanan; sapagka't hanggang sa araw na yaon, ay hindi nahuhulog sa mga lipi ng Israel ang kanilang mana.

At ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalake ng kanilang angkan, sa kanilang kabuoang bilang, ng mga lalaking may tapang, na mula sa (C)Sora, at sa Esthaol, upang tiktikan ang lupain, at kilalanin; at sinabi nila sa kanila, Kayo'y yumaon, at inyong (D)kilalanin ang lupain. At sila'y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas, at tumuloy roon.

Nang sila'y malapit sa bahay ni Michas, ay nakilala nila ang tinig ng binatang Levita: at sila'y lumiko roon, at sinabi nila sa kaniya, Sinong nagdala sa iyo rito? at ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? at anong mayroon ka rito?

At sinabi niya sa kanila, Ganito't ganito ang ginawa sa akin ni Michas, at kaniyang kinayaring upahan ako, at ako'y (E)naging kaniyang saserdote.

At sinabi nila sa kaniya, (F)Isinasamo namin sa iyo na usisain mo sa (G)Dios, upang aming maalaman, kung ang aming lakad ay papalarin.

At sinabi ng saserdote sa kanila, (H)Yumaon kayong payapa: nasa harap ng Panginoon ang daang inyong nilalakaran.

Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalake at dumating sa (I)Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila'y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na (J)tahimik at tiwasay: sapagka't wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.

At sila'y naparoon sa kanilang mga kapatid sa (K)Sora at Esthaol: at sinabi ng kanilang mga kapatid sa kanila, Ano kayo?

(L)At kanilang sinabi, Kayo'y bumangon at tayo'y umahon laban sa kanila: sapagka't aming nakita ang lupain, at, narito, (M)napakabuti: at natatamad ba kayo? huwag kayong magmakupad na yumaon at pumasok upang ariin ang lupain.

10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang (N)bayang tiwasay, at ang lupain ay malaki: sapagka't ibinigay ng Dios sa inyong (O)kamay, isang dakong walang kakailanganing anomang bagay na nasa lupa.

Kinuha ng Danita ang mga larawan ni Michas, at kinuha ang lais.

11 At umalis mula roon ang ilan sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Esthaol, na anim na raang lalake na may sandata ng mga kasakbatan na pangdigma.

12 At sila'y yumaon, at humantong sa (P)Chiriath-jearim, sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Mahane-dan (Q)hanggang sa araw na ito: narito, ito'y nasa likod ng Chiriath-jearim.

13 At sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at naparoon sa bahay ni Michas.

14 Nang magkagayo'y sumagot ang limang lalake na tumiktik ng lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, (R)Nalalaman ba ninyo na mayroon sa mga bahay na ito na isang epod, at mga terap, at isang larawang inanyuan, at isang larawang binubo? ngayon nga'y akalain ninyo ang marapat ninyong gawin.

15 At sila'y lumiko roon, at naparoon sa bahay ng binatang Levita, sa makatuwid baga'y hanggang sa bahay ni Michas, at (S)tinanong nila siya ng kaniyang kalagayan.

Mga Gawa 8:1-13

At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay.

At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at (A)silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at (B)Samaria, maliban na sa mga apostol.

At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa.

Datapuwa't (C)pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.

(D)Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.

At bumaba si (E)Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo.

At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya.

Sapagka't sa (F)maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, (G)na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling.

At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.

Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at (H)pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila:

10 Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, (I)Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila.

11 At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway.

12 Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral (J)ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae.

13 At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya.

Juan 5:30-47

30 (A)Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't (B)hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y (C)nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan.

32 (D)Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo.

33 (E)Kayo'y nangagsugo kay Juan, (F)at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Datapuwa't ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag.

36 Datapuwa't ang (G)aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't (H)ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama.

37 At (I)ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, (J)ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo.

38 (K)At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo.

39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at (L)ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.

40 At ayaw kayong magsilapit sa akin, (M)upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Datapuwa't nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pagibig ng Dios sa inyong sarili.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung (N)iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.

44 Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Dios?

45 Huwag ninyong isiping (O)ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa.

46 Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; (P)sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat.

47 Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay (Q)paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978