Book of Common Prayer
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Ang Pangako ng Panginoon kay David(A)
7 Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. 2 Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” 3 Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” 4 Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, 5 “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? 6 Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. 7 Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’
8 “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 9 Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12 Kapag namatay ka at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15 Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16 Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ” 17 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.
15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Ang Ugaling Cristiano
3 Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga may kapangyarihan. Kinakailangang lagi silang handa sa paggawa ng anumang mabuti. 2 Huwag nilang siraan ang sinuman, at huwag silang maging palaaway, sa halip, dapat silang maging maunawain at mapagpakumbaba sa lahat. 3 Sapagkat noong una, tayo rin ay kulang sa pang-unawa tungkol sa katotohanan at mga masuwayin. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng kahalayan at kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Kinapootan tayo ng iba, at kinapootan din natin sila. 4 Ngunit nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay. 6 Masaganang ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas, 7 upang sa kanyang biyayaʼy maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan. 8 Ang mga aral na itoʼy totoo at mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong ituro mo ang mga bagay na ito upang ang mga sumasampalataya sa Dios ay maging masigasig sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy mabuti at kapaki-pakinabang sa lahat.
Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabet
39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. 41 Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet 42 at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.”
Ang Awit ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
“Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”
56 At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®