Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 26

Ang Panalangin ng Taong Matuwid

26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
    dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
    at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
    Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
    at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
    at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
    Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
    na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
    Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
    na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
    gaya ng mga mamamatay-tao.
    Palagi silang handang gumawa ng masama,
    at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
    kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.

12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
    kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.

Salmo 28

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
    Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
    Humingi ako sa inyo ng tulong,
    habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
    Nagkukunwari silang mga kaibigan,
    pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
    Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
Binalewala nila ang inyong mga gawa.
    Gaya ng lumang gusali,
    gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
Purihin kayo, Panginoon,
    dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
    Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
    Tinutulungan nʼyo ako,
    kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
    Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
    Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
    at kalungin magpakailanman.

Salmo 36

Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios

36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
    kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
    hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
    Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
    Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
    at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.

Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
    ay umaabot hanggang sa kalangitan.
Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
    Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
    Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
    Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
    tulad ng pagkalinga ng inahing manok
    sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
    at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
    Pinapaliwanagan nʼyo kami,
    at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
    at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
    o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
    Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.

Salmo 39

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Amos 7:10-17

Si Amos at si Amazia

10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”

12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[a] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan. 16-17 Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Dios sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo: ‘Ang iyong asawa ay magiging babaeng bayaran sa lungsod at ang iyong mga anak ay mamamatay sa digmaan. Ang iyong lupain ay paghahati-hatian ng iyong mga kaaway, at mamamatay ka sa ibang bansa. At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”

Pahayag 1:9-16

Nagpakita si Cristo kay Juan

Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus. 10 Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran. 11 At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”

12 Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy. 15 Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.

Mateo 22:34-46

Ang Pinakamahalagang Utos(A)

34 Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. 35 Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, 36 “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” 37 Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’[a] 38 Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. 39 At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[b] 40 Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”[c]

Ang Tanong tungkol sa Cristo(B)

41 Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus, 42 “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan[d] siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,

44 ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[e]

45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging angkan lang ni David?” 46 Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Jesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®