Book of Common Prayer
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso. Wala kaming inaping sinuman. Wala kaming sinirang sinuman. Wala kaming pinagsamantalahan. 3 Hindi ko sinasabi ito upang husgahan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa, na kayo'y nasa aming mga puso, anupa't kami'y handang mamatay at mabuhay na kasama ninyo. 4 Malaki ang tiwala ko sa inyo. Labis ko kayong ipinagmamalaki. Punung-puno ako ng lakas ng loob. Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa kabila ng aming paghihirap.
5 Sapagkat (A) maging nang dumating kami sa Macedonia ay walang pahinga ang aming mga katawan, sa halip ay kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin—sa labas ay may pakikipaglaban, sa loob naman ay may takot. 6 Ngunit pinasigla kami ng Diyos, na siyang nagpapasigla sa mga nalulungkot sa pamamagitan ng pagdating ni Tito, 7 at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi sa pamamagitan din ng kasiglahang ibinigay ninyo sa kanya. Ibinalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong matinding kalungkutan, at ang inyong pagmamalasakit para sa akin, at ang mga ito'y lalo ko pang ikinagalak. 8 Sapagkat kahit pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam, bagama't nagdamdam din ako, sapagkat nalaman ko na ang sulat na iyon ay nakapagpalungkot sa inyo, kahit sa maikling panahon lamang. 9 Ngayon, ako'y nagagalak hindi dahil sa kayo'y nalungkot, kundi dahil ang inyong kalungkutan ang nagdala sa inyo sa pagsisisi. Sapagkat kayo'y nalungkot nang ayon sa kalooban ng Diyos, upang kayo'y huwag dumanas ng kalugihan sa pamamagitan namin. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi tungo sa kaligtasan, ngunit ang kalungkutang ayon sa sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo ngayon ang nagawa sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos: kung anong pagsisikap upang ipagtanggol ang inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong pangamba, pananabik, pagmamalasakit, at pagnanais na maigawad ang katarungan! Lubos ninyong napatunayan na kayo'y walang sala tungkol sa bagay na ito. 12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, iyon ay hindi dahil sa taong gumawa ng kamalian, at hindi rin dahil sa taong ginawan ng kamalian, kundi upang maging malinaw sa inyo na kayo'y may pagmamalasakit para sa amin sa harapan ng Diyos. 13 Dahil dito'y napasigla kami.
Bukod sa aming sariling kasiglahan ay lalo pa kaming natuwa dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat pinaginhawa ninyo ang kanyang espiritu. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya at hindi naman ako napahiya. Kung paanong ang lahat ng aming sinabi sa inyo ay totoo, napatunayan din namang totoo ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo kay Tito. 15 At lalo pang lumaki ang pagmamahal niya sa inyo kapag naaalala niya na kayong lahat ay masunurin, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig. 16 Ikinagagalak kong lubos ang pagtitiwala ko sa inyo.
Ang Simula ng Paghahari ng Diyos(A)
20 Minsan, tinanong ng mga Fariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Hindi magsisimula ang paghahari ng Diyos na may nakikitang palatandaan; 21 hindi rin nila masasabi, ‘Tingnan ninyo at narito,’ o ‘Naroon,’ sapagkat masdan ninyo, ang paghahari ng Diyos ay nasa inyo.” 22 Sinabi niya sa mga alagad, “Sasapit ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo roon,’ o ‘Tingnan ninyo rito!’ Huwag kayong pumunta roon o sumunod sa kanila. 24 Sapagkat kung paanong kumikislap at nagbibigay-liwanag ang kidlat mula isang panig ng kalangitan hanggang sa kabila, gayundin ang Anak ng Tao sa kanyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa at maitakwil ng salinlahing ito. 26 Gaya nang nangyari noong panahon ni Noe, ganoon din ang mangyayari sa araw ng Anak ng Tao. 27 Ang mga tao noon ay nagkakainan, nag-iinuman, nag-aasawa, at pinag-aasawa hanggang sa araw na pumasok na sa daong si Noe at dumating ang baha at nilipol silang lahat. 28 Ganoon din noong mga araw ni Lot. Sila'y nagkakainan, nag-iinuman, namimili, nagbibili, nagtatanim at nagtatayo. 29 Subalit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, huwag nang bumaba ang nasa tuktok ng bahay upang kunin ang mga gamit sa loob ng bahay. Ang nasa bukid naman ay huwag nang bumalik sa kanyang naiwan. 32 Tandaan ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang nagnanais mag-ingat ng kanyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawalan ng kanyang buhay ay makapag-iingat nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, dalawa ang nasa isang higaan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasama sa gilingan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 36 May dalawang lalaki sa bukid, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 37 At nagtanong sa kanya ang mga alagad, “Saan po mangyayari ito Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung nasaan ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.