Book of Common Prayer
18 Sapagkat (A) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahahawakan, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, 19 sa tunog ng trumpeta, at sa tinig na ang mga nakarinig ay nakiusap na huwag na itong magsalita pa ng anuman sa kanila. 20 Sapagkat (B) hindi nila makayanan ang ipinag-utos: “Kahit na hayop na tumuntong sa bundok ay babatuhin hanggang mamatay.” 21 Nakasisindak (C) ang tanawin kaya’t sinabi ni Moises, “Nanginginig ako sa takot!” 22 Sa halip, ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng buháy na Diyos, ang makalangit na Jerusalem, ang masayang pagtitipon ng di-mabilang na mga anghel, 23 ang kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at ang Diyos na Hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga matuwid na ginawang sakdal. 24 Lumapit (D) na rin kayo kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng mas mabuting bagay kaysa sinasabi ng dugo ni Abel.
25 Pag-ingatan (E) ninyong huwag itakwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakwil sa nagbabala sa kanila dito sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit! 26 Sa (F) panahong iyon ay niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y ganito ang pangako niya, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.” 27 Ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, samakatuwid ay ang mga bagay na nilikha, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya't yamang isang kahariang hindi mayayanig ang tinatanggap natin, magpasalamat tayo sa Diyos at mag-alay sa kanya ng kalugud-lugod na pagsamba, kalakip ang paggalang at pagkamangha, 29 sapagkat (G) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.
24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (A)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.