Book of Common Prayer
22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (A) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (B) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (C) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin. 15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:
18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21 at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.