Book of Common Prayer
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay nagmumula sa itaas, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nag-iiba o nagdudulot man ng anino dahil sa pagbabago. 18 Ipinanganak niya tayo ayon sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19 Unawain ninyo ito, mga kapatid kong minamahal: bawat isa'y maging laging handang makinig, maingat sa pananalita, at hindi madaling magalit. 20 Sapagkat ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng karumihan at laganap na kasamaan, at tanggaping may pagpapakumbaba ang salitang itinanim sa inyong puso. Ang salitang ito ang may kapangyarihang magligtas sa inyo. 22 Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang. Kung hindi, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sinumang nakikinig ng salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng taong tumitingin sa kanyang mukha sa salamin 24 at pagkatapos makita ang kanyang sarili ay umaalis at kaagad nalilimutan ang kanyang anyo. 25 Subalit ang taong masusing tumitingin at nagpapatuloy sa sakdal na kautusang nagpapalaya sa tao, siya ang pagpapalain ng Diyos sa kanyang mga gawain, kung siya'y tagatupad at hindi lamang tagapakinig na lumilimot ng kanyang narinig. 26 Kung iniisip ninuman na siya'y relihiyoso ngunit hindi marunong magpigil ng kanyang dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili at ang kanyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at walang kapintasang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihing malinis ang sarili mula sa karumihan ng sanlibutan.
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin niya sa mga alagad, “May isang mayaman na may katiwala. Isinusumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang mga kayamanan. 2 Tinawag niya ito at tinanong, ‘Ano itong narinig ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’ 3 Sinabi ng katiwala sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayong tinanggal na sa akin ang pangangasiwa? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa at nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na ang gagawin ko! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ 6 At sinabi nito, ‘Sandaang tapayan ng langis.’ Sinabi niya naman dito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang, maupo ka at isulat mo agad na limampu.’ 7 Pagkatapos ay sinabi naman niya sa isa pa, ‘Magkano ang utang mo?’ At sinabi nitong, ‘Sandaang kabang trigo.’ Sinabi niya rito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang at isulat mo na walumpu.’ 8 Pinuri ng panginoon ang madayang katiwala dahil sa katusuhan nito. Sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay mas tuso sa pamamahala ng kanilang pamumuhay kaysa mga anak ng liwanag. 9 Sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo gamit ang kayamanan ng sanlibutan upang kung maubos na ito ay tatanggapin kayo sa walang hanggang mga tahanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.