Book of Common Prayer
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[a] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (B) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (C) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (D) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(A)
17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (B) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.