Book of Common Prayer
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
15 Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa,
at papatayin ka ng Panginoong Diyos;
ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan.
16 Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa
sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala;
at siyang sumusumpa sa lupa
sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa;
sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na,
at nakubli sa aking mga mata.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
17 “Sapagkat(A) narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
o darating man sa isipan.
18 Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19 Ako'y(B) magagalak sa Jerusalem,
at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon doon
ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21 At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22 Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25 Ang(C) asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 At(A) nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.
2 At(B) nakita ko ang banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, na nakahanda na gaya ng isang babaing ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa.
3 At(C) narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa trono na nagsasabi,
“Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao.
Siya'y maninirahang kasama nila,
at sila'y magiging bayan niya.
Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila.[a]
4 At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata,
at hindi na magkakaroon ng kamatayan;
hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man,
sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”
6 At(E) sinabi niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001