Book of Common Prayer
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Kagandahan ng Templo
2 Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo,
3 ‘Sino(A) ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?
4 Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
5 ayon(B) sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot.
6 Sapagkat(C) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa.
7 Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’”
Ang Mensahe sa Sardis
3 “At sa anghel ng iglesya sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Diyos at may pitong bituin:
“Alam ko ang iyong mga gawa, sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.
2 Gumising ka, at palakasin mo ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay, sapagkat hindi ko natagpuang ganap ang iyong mga gawa sa harapan ng aking Diyos.
3 Kaya't(A) alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka gigising, darating akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo.
4 Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis[a] na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila'y kasama kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila'y karapat-dapat.
5 Ang(B) magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel.
6 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
24 Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo.
2 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?
4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.
5 Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.
6 At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas.
7 Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako.
8 Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap.[a]
9 “Pagkatapos(C) ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.
10 Maraming tatalikod,[b] magtataksil at mapopoot sa isa't isa.
11 Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami.
12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig.
13 Subalit(D) ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
14 At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001