Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
mula sa pakikibaka laban sa akin,
sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.
20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
makilos kailanman ang matuwid.
23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.
Awit ni David.
138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
2 Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
5 at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
8 Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7 Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8 Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
Napagtagumpayan ni Nehemias ang Pagsalungat sa Kanyang Gawain
4 Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio.
2 At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, “Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?”
3 Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, “Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!”
4 Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila.
5 Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa.
6 Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa.
7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit.
8 Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon.
9 Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi.
10 Ngunit sinabi ng Juda, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader.”
11 At sinabi ng aming mga kalaban, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain.”
12 Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, “Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin.”
13 Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana.
14 Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain.
16 Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda,
17 na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata.
18 Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko.
19 Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't-isa.
20 Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsama-sama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin.”
21 Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin.
22 Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, “Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw.”
23 Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay.
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
6 sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
7 sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
8 sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.
Ang Di-Mabilang na mga Tao
9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;
10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,
“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”
11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,
12 na nagsasabi,
“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”
13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”
14 Sinabi(A) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.
15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.
16 Sila'y(B) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,
17 sapagkat(C) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(A)
31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(B)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”
Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(C)
34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.
35 Ito(D) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]
“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001