Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Miktam[a] ni David.
16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.
2 Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”
3 Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.
4 Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.
5 Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
6 Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
napakaganda ng iyong pamana!
7 Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
8 Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.
9 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.
13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)
5 Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. 2 Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: 3 “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. 4 Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. 5 Kaya(B) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ 6 Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”
7 Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” 8 At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. 9 Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”
10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.
12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.
13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(C) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.
Itinayo ni Solomon ang Templo
6 Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo.
7 Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo.
Sa Malta
28 Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. 2 Napakabuti ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. 3 Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa siga, mula roo'y lumabas ang isang ahas dahil sa init. Tinuklaw nito ang kamay ni Pablo. 4 Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng katarungan na siya'y mabuhay pa.” 5 Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. 6 Hinintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang masamang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng palagay. “Siya'y isang diyos,” sabi nila.
7 Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. 8 Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disenterya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. 9 Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. 10 Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng aming mga kailangan sa paglalakbay.
Mula sa Malta Papuntang Roma
11 Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal na Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. 12 Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. 13 Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. 14 May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay hanggang makarating kami sa Roma.
15 Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumunta sila sa Liwasang Apio at sa Tatlong Bahay-panuluyan upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16 Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang manirahan sa isang bahay kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya.
Ipagkakaila ni Pedro si Jesus(A)
27 Sinabi(B) ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 28 Ngunit(C) pagkatapos na ako'y muling buhayin, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
30 Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”
31 Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.
Ang Panalangin sa Getsemani(D)
32 Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”
35 Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. 36 Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
37 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? 38 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
39 Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. 40 Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.
41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.