Book of Common Prayer
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
4 Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
5 Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
6 Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
pinakinggan niya ang aking paghibik.
7 Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
8 Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
9 Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
at mula sa ulap, bumuhos kaagad
ang maraming butil ng yelo at baga.
13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
mga pundasyon ng lupa ay nahayag.
16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.
35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
Ang Hatol ni Solomon
16 Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 17 Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon. 18 Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon. 19 Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay. 20 Malalim na ang gabi nang siya'y bumangon at habang ako nama'y natutulog. Kinuha niya sa tabi ko ang aking anak at dinala sa kanyang higaan, at inilagay naman sa tabi ko ang kanyang patay na anak. 21 Kinaumagahan, bumangon po ako upang pasusuhin ang aking anak, ngunit natagpuan ko na lang na ito'y patay na. Subalit nang pagmasdan ko pong mabuti, nakilala kong hindi iyon ang aking anak.”
22 Tumutol naman ang pangalawa at ang sabi, “Hindi totoo 'yan! Anak ko ang buháy at ang sa iyo'y patay.”
Lalo namang iginiit ng una, “Hindi totoo 'yan! Anak mo ang patay at akin ang buháy!”
At ganito ang kanilang pagtatalo sa harapan ng hari.
23 Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buháy na bata at kanya ang patay;” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama'y iyo ang buháy at kanya ang patay.” 24 Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak. At dinala nga sa kanya ang isang tabak. 25 Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buháy at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”
26 Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buháy at napasigaw: “Huwag po, Kamahalan! Ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.”
Sabi naman noong isa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!”
27 Kaya't sinabi ni Solomon, “Huwag ninyong patayin ang bata. Ibigay ninyo sa una; siya ang tunay niyang ina.”
28 Napabalita sa buong Israel ang hatol na iginawad ng hari at ang lahat ay nagkaroon ng paggalang at takot sa kanya. Nabatid nilang taglay niya ang karunungan ng Diyos upang humatol nang makatarungan.
27 Ikalabing-apat na gabi na noon na kami'y napapadpad sa gitna ng Dagat Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga mandaragat na nalalapit na kami sa pampang. 28 Gamit ang isang panaling may pabigat sa dulo, sinukat nila ang lalim ng tubig at nakitang may apatnapung metro ito. Pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. 29 Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan ng barko. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. 34 Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi mapapahamak ang sinuman sa inyo!” 35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. 37 Kaming lahat ay dalawang daan at pitumpu't anim[a] na katao. 38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.
Ang Pagkawasak ng Barko
39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang look na may dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. 40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. 41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.
42 Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. 44 Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At sa gayon, kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan.
Ang Huling Hapunan(A)
12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(B) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”
19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
Ang Banal na Hapunan ng Panginoon(C)
22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. 24 Sinabi(D) niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. 25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”
26 Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.