Book of Common Prayer
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
Natatakot akong pumunta kahit saan,
dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
Sinasabi kong,
“Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
dahil sa inyo ako tumatawag.
Ang masasama sana ang mapahiya
at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
pati ang mga mayayabang at mapagmataas
na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.
19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.
21 Purihin ang Panginoon,
dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
“Binalewala na ako ng Panginoon.”
Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.
23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
mahalin ninyo ang Panginoon.
Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
kayong mga umaasa sa Panginoon.
Dalangin para Tulungan
35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
“Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”
11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
“Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
kaya huwag kayong manahimik.
Huwag kayong lumayo sa akin.
23 Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25 Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
“Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
natalo na rin namin siya!”
26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
Palagi sana nilang sabihin,
“Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
at buong maghapon ko kayong papupurihan.
Ang Pagpapatayo ng Bagong Altar
3 Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa. 2 Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod.[a] Ang nagpatayo nito ay si Jeshua[b] na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya. 3 Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon,[c] itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.
4 Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista. 5 Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon. 6 Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.
Muling Ipinatayo ang Templo
7 Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.
8 Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas. 9 Silaʼy si Jeshua,[e] ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda.[f] Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.
10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel. 11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo. 12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak. 13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.
10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.
12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.
Katapusang Tagubilin
13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.
15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[a] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.
17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.
19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[b] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]
21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.
22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.
Panginoon, bumalik na po kayo!
23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.
24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.
Si Jesus at si Satanas(A)
22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[a] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.
29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]
30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®