Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Jeremias 38:1-13

Inihulog si Jeremias sa Balon

38 Nabalitaan nina Shefatia na anak ni Matan, Gedalia na anak ni Pashur, Jehucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malkia ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Pero ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay. Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”

Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi siya naghahangad ng kabutihan para sa mga tao kundi ang kapahamakan nila.” Sumagot si Haring Zedekia, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”

Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malkia na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.

7-8 Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed Melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari, “Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon kay Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.” 10 Kaya sinabi ni Haring Zedekia sa kanya, “Magsama ka ng 30 lalaki mula sa mga tao ko at kunin nʼyo si Jeremias sa balon bago pa siya mamatay.”

11 Kaya isinama ni Ebed Melec ang mga tao at pumunta sila sa bodega ng palasyo, at kumuha ng mga basahan, lumang damit, at lubid at ibinaba nila kay Jeremias ang mga ito roon sa balon. 12 Sinabi ni Ebed Melec kay Jeremias, “Isapin mo ang mga basahan at lumang damit sa kilikili mo para hindi ka masaktan ng lubid.” At ito nga ang ginawa ni Jeremias. 13 Pagkatapos, iniahon nila siya mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo.

1 Corinto 14:26-33

Ang Maayos na Pagsamba

26 Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan. 29 Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi. 30 Ngayon, kung sa mga nakaupo ay may pinagkalooban ng mensahe ng Dios, dapat tumahimik na ang nagsasalita upang makapagsalita naman ang iba. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring makapagpahayag ng mensahe ng Dios nang isa-isa, upang matuto ang lahat at mapalakas ang kanilang pananampalataya. 32 Ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay dapat may pagpipigil sa sarili.[a] 33 Sapagkat ang Dios ay hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan.

Tulad ng nakaugalian sa lahat ng iglesya ng mga pinabanal[b] ng Dios,

1 Corinto 14:37-40

37 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na may kakayahan siyang magpahayag ng mensahe ng Dios o sumasakanya ang Banal na Espiritu, dapat din niyang kilalanin na ang mga sinusulat ko sa inyoʼy utos mismo ng Panginoon. 38 At kung mayroon mang hindi kumikilala sa aking mga sinasabi ay huwag din ninyong kilalanin.

39 Kaya mga kapatid, pakahangarin ninyong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios, at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan. 40 Ngunit gawin ninyo ang lahat sa maayos at wastong paraan.

Mateo 10:34-42

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(A)

34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[a] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[b]

37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[c] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Mga Gantimpala(B)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®