Book of Common Prayer
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[b]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[c]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Pambansang Awit ng Pagtatagumpay
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
8 ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”
24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.
28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.
32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]
33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.
Ang Diyos ay papurihan!
17 Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. 19 Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”
Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. 22 Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ 23 Ito(A) naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” 24 Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
25 Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. 26 Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.
27 Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. 28 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, 29 “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbaba sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbaba siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”
20 Ano(A) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(B) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(C) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”
Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(A)
12 Nang(B) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(C) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain(D) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag.”
17 Magmula(E) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.