Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Mga Awit 119:25-48

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Daleth)

25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
    ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
    iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
    pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
    sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
    huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
    dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

1 Mga Hari 9:24-10:13

24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.

25 Taun-taon,(A) tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.

26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula,[a] sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. 27 Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. 28 Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon.

Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(B)

10 Nabalitaan(C) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[b] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.

Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”

10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.

13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.

Santiago 3:1-12

Ang Dila

Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. Tayong(A) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.

Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.

Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang(B) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito(C) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

Marcos 15:1-11

Sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.

“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.