Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 40

Ang pagbabata sa pagpuri at panalangin ng tulong. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

40 (A)Aking hinintay na may pagtitiis ang Panginoon;
At siya'y kumiling sa akin, at dininig ang aking daing.
Isinampa naman niya ako mula sa isang kakilakilabot na balon, (B)mula sa balahong malagkit;
(C)At itinuntong niya ang aking mga paa sa isang malaking bato, at (D)itinatag ang aking mga paglakad.
(E)At siya'y naglagay ng bagong awit sa aking bibig, sa makatuwid baga'y pagpuri sa aming Dios:
Marami ang mangakakakita at mangatatakot,
At magsisitiwala sa Panginoon.
(F)Mapalad ang tao na ginagawang kaniyang tiwala ang Panginoon,
At hindi iginagalang ang palalo, ni ang mga naliligaw man sa pagsunod sa mga kabulaanan.
(G)Marami, Oh Panginoon kong Dios, ang mga kagilagilalas na mga gawa na iyong ginawa,
(H)At ang iyong mga pagiisip sa amin:
Hindi malalagay na maayos sa harap mo;
Kung ako'y magpapahayag at sasalitain ko sila,
Sila'y higit kay sa mabibilang.
(I)Hain at handog ay hindi mo kinaluluguran;
Ang aking pakinig ay iyong binuksan:
Handog na susunugin, at handog tungkol sa kasalanan ay hindi mo hiningi.
Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito, dumating ako;
(J)Sa balumbon ng aklat ay (K)nakasulat tungkol sa akin:
(L)Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, Oh Dios ko;
Oo, ang iyong kautusan ay (M)nasa loob ng aking puso.
Ako'y nagpahayag ng mabuting balita ng katuwiran (N)sa dakilang kapisanan;
Narito, hindi ko pipigilin ang aking mga labi,
Oh Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
Aking ibinalita ang iyong pagtatapat, at ang iyong pagliligtas:
Hindi ko inilihim ang iyong kagandahang-loob at ang iyong katotohanan sa dakilang kapisanan.
11 Huwag mong pigilin sa akin ang iyong mga malumanay na kaawaan, Oh Panginoon:
Panatilihin mong lagi sa akin ang (O)iyong kagandahang-loob at ang iyong katotohanan.
12 Sapagka't kinulong ako ng walang bilang na kasamaan.
Ang mga kasamaan ko ay (P)umabot sa akin, na anopa't hindi ako makatingin;
Sila'y (Q)higit kay sa mga buhok ng aking ulo,
At ang aking puso ay nagpalata sa akin.
13 Kalugdan[a] mo nawa, Oh Panginoon, na iligtas ako:
Ikaw ay (R)magmadaling tulungan mo ako, Oh Panginoon.
14 (S)Sila'y mangapahiya nawa at mangatulig na magkakasama
Na nagsisiusig ng aking kaluluwa upang ipahamak:
Sila nawa'y mangapaurong at mangadala sa kasiraang puri
Na nangalulugod sa aking kapahamakan.
15 Mangapahamak nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
Na nangagsasabi sa akin, Aha, (T)Aha.
16 Mangagalak at mangatuwa nawa sa iyo ang lahat na nagsisihanap sa iyo:
Yaong nangagiibig ng iyong kaligtasan ay (U)mangagsabi nawang palagi,
(V)Ang Panginoon ay dakilain.
17 (W)Nguni't ako'y dukha at mapagkailangan;
Gayon ma'y inalaala ako (X)ng Panginoon:
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
Huwag kang magluwat, Oh Dios ko.

Mga Awit 54

Sa Pangulong Manunugtog; sa mga panugtog na kawad. Masquil ni David: nang ang mga (A)Zipheo ay dumating at magsabi kay Saul, Hindi ba nagtatago si David doon sa amin?

54 Iligtas mo ako, Oh Dios, sa pamamagitan ng iyong pangalan.
At hatulan mo ako sa iyong kapangyarihan.
Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios;
Pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig.
Sapagka't (B)ang mga tagaibang lupa ay nagsibangon laban sa akin,
At ang mga mangdadahas na tao ay nagsisiusig ng aking kaluluwa:
Hindi nila inilagay ang Dios sa harap nila. (Selah)
Narito, ang Dios ay aking katulong:
(C)Ang Panginoon ay sa kanila na nagsisialalay ng aking kaluluwa.
Kaniyang ibabalik ang kasamaan sa aking mga kaaway:
(D)Gibain mo sila sa iyong katotohanan.
(E)Ako'y maghahain sa iyo ng kusang handog:
Ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, Oh Panginoon, (F)sapagka't mabuti.
Sapagka't iniligtas niya ako sa lahat ng kabagabagan;
(G)At nakita ng aking mata ang aking nasa sa aking mga kaaway.

Mga Awit 51

Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David: nang si (A)Nathan na propeta, ay dumating sa kaniya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Bath-seba.

51 (B)Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob:
Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan (C)ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.
(D)Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
At linisin mo ako sa aking kasalanan.
Sapagka't (E)kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang:
At ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
(F)Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
At nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin:
(G)Upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka,
At maging malinis pag humahatol ka.
(H)Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan;
At sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,
Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap;
At sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
(I)Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis:
Hugasan mo ako (J)at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.
Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan;
Upang (K)ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
At pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.
10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios;
At (L)magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Huwag mo akong paalisin sa (M)iyong harapan;
(N)At huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas:
At alalayan ako (O)ng kusang espiritu.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad;
At ang mga makasalanan ay (P)mangahihikayat sa iyo.
14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan;
At ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi;
At ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.
16 Sapagka't (Q)hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita:
Wala kang kaluguran sa handog na susunugin.
17 (R)Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob:
Isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.
18 (S)Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion:
(T)Itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.
19 Kung magkagayo'y malulugod ka (U)sa mga hain ng katuwiran,
Sa handog na susunugin at sa (V)handog na susunuging buo:
Kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.

1 Mga Hari 18:20-40

Ang paligsahan sa bundok ng Carmelo.

20 Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, (A)at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.

21 At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? (B)kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako (C)lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay (D)apat na raan at limang pung lalake.

23 Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim.

24 At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na (E)sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.

25 At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim.

26 At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot. At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa.

27 At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin.

28 At sila'y nagsisigaw ng malakas, (F)at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila.

29 At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang (G)sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

30 At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak.

31 At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, (H)Israel ang magiging iyong pangalan.

32 At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi.

33 (I)At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy.

34 At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo.

35 At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.

36 At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na (J)Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, (K)pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito (L)sa iyong salita.

37 Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso.

38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay (M)nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.

39 At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, (N)Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.

40 At sinabi ni Elias sa kanila, (O)Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag makatanan ang sinoman sa kanila. At kanilang dinakip sila: at sila'y ibinaba ni Elias sa (P)batis ng Cison, at (Q)pinatay roon.

Filipos 3:1-16

Sa katapustapusan, mga kapatid ko, (A)mangagalak kayo sa Panginoon. Ang pagsulat ko nga sa inyo ng mga gayon ding bagay, sa akin ay tunay na hindi nakangangalay, nguni't sa inyo'y katiwasayan.

Magsipagingat kayo sa mga aso, (B)magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, (C)magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli:

Sapagka't tayo (D)ang pagtutuli, (E)na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman:

Bagama't ako'y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako:

Na tinuli ng ikawalong araw, (F)mula sa lahi ng Israel, (G)mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay (H)Fariseo;

Tungkol (I)sa pagsisikap, (J)ay manguusig sa iglesia; (K)tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.

Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.

Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan (L)dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo,

At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang (M)aking sarili, sa makatuwid baga'y sa kautusan, kundi (N)ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:

10 Upang makilala ko siya, at (O)ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at (P)ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay;

11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

12 Hindi sa ako'y (Q)nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, (R)na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at (S)tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala (T)ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.

15 Kaya nga, kung ilan tayong (U)mga sakdal, ay magisip ng gayon: at kung sa anoma'y nangagkakaiba kayo ng iniisip ay ipahahayag naman ito sa inyo ng Dios:

16 (V)Lamang, ay magsilakad tayo (W)ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na.

Mateo 3:1-12

At nang mga araw na yaon ay dumating si (A)Juan Bautista, na nangangaral (B)sa ilang ng Judea, na nagsasabi,

Mangagsisi kayo; sapagka't (C)malapit na ang kaharian ng langit.

Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,

Ang (D)tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Si Juan nga ay nananamit (E)ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga (F)balang (G)at pulot-pukyutan.

Nang magkagayo'y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;

At sila'y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.

Datapuwa't nang makita niyang marami sa mga Fariseo at (H)Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, (I)sino ang sa inyo'y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating?

Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi:

At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; (J)sapagka't sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.

10 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at (K)inihahagis sa apoy.

11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig (L)sa pagsisisi: (M)datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: (N)siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at (O)apoy:

12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, (P)datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978