Book of Common Prayer
Pananabik sa Dios
63 O Dios, kayo ang aking Dios.
Hinahanap-hanap ko kayo.
Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
na tulad ng lupang tigang sa ulan.
2 Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
3 Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
kaya pupurihin ko kayo.
4 Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
5 Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
6 Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
7 Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
8 Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
9 Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.
15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!
Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(A)
21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon 24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.
Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka
25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito. 26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David 27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”
28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan. 30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.[a] Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.
31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar[b] at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita. 32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya. 33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.
18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus. 19 Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios? 20 Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
21 Pero mahigpit pa rin silang binawalan na mangaral bago sila pinakawalan. Gusto sana nilang parusahan ang dalawa, pero hindi nila magawa. Natatakot sila sa mga tao, dahil pinupuri ng mga ito ang Dios sa nangyaring himala. 22 Sapagkat ang taong pinagaling sa pamamagitan ng himala ay mahigit 40 taon nang lumpo.
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa kanyang Cristo.’[a]
27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[b] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.
31 Nang marinig ito ng mga Judio, muli silang dumampot ng mga bato para batuhin siya. 32 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawa na ipinapagawa sa akin ng Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit nʼyo ako babatuhin?” 33 Sumagot sila, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabubuti mong gawa, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Dios. Sapagkat sinasabi mong ikaw ay Dios gayong tao ka lang.” 34 Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan na sinabi ng Dios na kayoʼy mga dios?[a] 35 At hindi natin maaaring balewalain ang Kasulatan. Kaya kung tinawag niyang ‘dios’ ang mga binigyan niya ng mensahe niya, 36 bakit nʼyo sinasabing nilalapastangan ko ang Dios dahil sa sinabi kong akoʼy Anak ng Dios? Pinili ako ng Ama at sinugo niya rito sa mundo. 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng Ama, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ipinapagawa ng aking Ama, kahit ayaw nʼyong maniwala sa akin, paniwalaan nʼyo ang mga ginawa ko upang maunawaan nʼyo na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa aking Ama.”
39 Tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, pero nakatakas siya.
40 Bumalik si Jesus sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lugar na pinagbautismuhan noon ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming tao ang pumunta sa kanya. Sinabi nila, “Wala ngang ginawang himala si Juan, pero totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” 42 At marami sa mga naroon ang sumampalataya kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®