Book of Common Prayer
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
21 Panginoon, sobrang galak ng hari
dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
2 Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
3 Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
4 Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
5 Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
hindi siya mabubuwal.
8 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9 At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Panginoon
117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
2 Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon!
51 Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.
Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(A)
8 Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. 2 Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, noong buwan ng Etanim, na siyang ikapitong buwan. 3-4 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita[a] ang Kahon ng Panginoon, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa templo. 5 Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
6 Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin. 7 Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin, kaya natatakpan nito ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. 8 Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 9 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
10 Nang lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 11 Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng Panginoon ay bumalot sa kanyang templo.
12 At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap. 13 Ngayon, nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
Ang Mensahe ni Solomon sa mga Mamamayan ng Israel(B)
14 Pagkatapos, humarap si Haring Solomon sa buong mamamayan ng Israel na nakatayo roon at binasbasan niya sila. 15 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sinabi niya noon, 16 ‘Mula nang panahon na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
17 “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 18 Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 19 Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
20 “Tinupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 21 Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon, kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa ating mga ninuno nang inilabas niya sila sa Egipto.”
17 Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma. 18 Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako. 19 Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.”
21 Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa natin Judio na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo. 22 Pero gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.”
23 Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. 24 Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. 25 At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sapagkat sinabi niya,
‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27 dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ”[a]
28 Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [29 Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.]
30 Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. 31 Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
43 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. 44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”
45 Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. 46 At dinakip agad ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? 49 Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” 50 Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
51 May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, 52 pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®