Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
    mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
    ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
    at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
    ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
    at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
    na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
    ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
    sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
    hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
    mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
    sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
    sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
    at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
    sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
    ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.

32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
    ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
    bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
    nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
    pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
    hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.

38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
    ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
    dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
    hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.

40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
    ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
    ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
    gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
    ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(J) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
    kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(K) na mga langaw at palaka ang dumating,
    nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(L) ang maninira sa taniman ng halaman,
    mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(M) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
    anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
    sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
    kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
    mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
    yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
    dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(N) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
    ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.

52 Tinipon(O) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
    inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(P) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
    samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(Q) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
    sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(R) niyang lahat ang naroong namamayan,
    pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
    sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.

56 Ngunit(S) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57     katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
    nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
    nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
    itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(T) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
    yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(U) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
    binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
    kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
    dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
    ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.

65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
    parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
    napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
    at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
    at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
    katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.

70 Ang(V) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
    isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
    nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
    lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

Deuteronomio 8:11-20

Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh

11 “Huwag(A) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.

Santiago 1:16-27

16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.

Pakikinig at Pagsasagawa

19 Mga(A) kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.

22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.

26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.

Lucas 11:1-13

Katuruan tungkol sa Pananalangin(A)

11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,

‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
    Dumating nawa ang iyong kaharian.
    Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[a]
    At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.