Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
IKALAWANG AKLAT
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2 Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3 Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4 Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8 Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9 Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)
43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!
16 Dahil(A) dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.
19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”
21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala(B) pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”
23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.
25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.
“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.
1 Mula(A) sa Matandang pinuno ng iglesya—
Para kay Gayo na lubos kong minamahal.
2 Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal. 3 Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito. 4 Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.
Pinarangalan si Gayo
5 Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala. 6 May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, 7 sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos. 8 Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan.
Si Diotrefes at si Demetrio
9 Sumulat ako sa iglesya subalit hindi kami kinilala ni Diotrefes; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno. 10 Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating at hinahadlangan pa niya at pinapalayas sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama. Sa halip, tularan mo ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos.
12 Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan din ang patotoo ng katotohanan tungkol sa kanya. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin.
Pangwakas
13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng panulat at tinta. 14 Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon.
15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan.
Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Isa-isa mong batiin ang lahat ng ating mga kaibigan diyan.
Ang Pagtawag kay Levi(A)
27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(B) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(C)
33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”
34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.