Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 132

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Isaias 11:1-10

Mapayapang Kaharian

11 May(A) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
    at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
    ang diwa ng karunungan at ng unawa,
    ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
    ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.

Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
    ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
Kundi(B) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
    at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
    at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
Katuwiran(C) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
    at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.

At(D) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
    at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
    at papatnubayan sila ng munting bata.
Ang baka at ang oso ay manginginain;
    ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
    at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
    at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Hindi(E) sila mananakit o maninira man
    sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

10 At(F) sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati.

Mga Hebreo 2:11-18

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[a] na tawagin silang mga kapatid,

12 na(A) sinasabi,

“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
    sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”

13 At(B) muli,

“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”

At muli,

“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,

15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.

16 Sapagkat(C) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.

17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.

18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001